Candy Crush

by Sankage Steno

Naalala ko lang ‘tong sandaling ito sa buhay ko dahil sa kwento ng isang kaibigan sa ‘kin kaninang umaga. Nabanggit kasi n’ya ‘yung tungkol sa bago n’yang crush sa office. Inalok daw s’ya ng candy nu’ng minsang di sinasadyang magkatabi sila sa upuan.

Ang ikinagulat pa ng friend ko e kilala s’ya by name nu’ng crush n’ya. Ayun, medyo natawa ako sa kwento n’ya kasi kundi pa s’ya inalok ng candy, hindi n’ya mapapansin ‘yung taong, eventually, ay naging crush nga n’ya. Hanggang du’n lang ang pwede kong ikwento dahil hindi ko naman buhay ‘yon at hindi naman s’ya public figure. K?

Naalala ko ngayon ‘yung isang insidente nu’ng first year pa lang ako sa college. Ito, pwede kong ikwento kasi buhay ko naman. Meron din kasi akong crush du’n at feeling ko crush din n’ya ako. Malakas na ang loob kong mag-feeling ngayon kasi halos sampung taon na ‘yung nakalipas.

Shet, 10 years. Ngayon ko lang nabilang.

Anyway. Kaklase ko s’ya sa isang science course na last class ko. Kadalasan, bago umuwi, nagpapa-photocopy kaming buong section ng lecture o assignment doon sa CASAA. Kung taga-UP ka o madalas ka do’n, alam mo kung sa’n ‘tong CASAA na may xeroxan sa loob. Ayun, doon kami lagi ‘pag hapon.

Nu’ng minsan, gusto ko na talagang i-approach ‘yung crush ko. Kaso kinakabahan ako kasi hindi ako magaling sa pick-up line at lalong hindi ako ‘yung tipong nang-a-approach ng stranger. Dati ‘yon. Mahiyain kasi akong bata. Pero nakahanap ako ng paraan. Nagkataong meron akong dalang candy nu’ng araw na ‘yon.

Di ko na maalala ‘yung candy, pero Mentos yata.

Naunang magpa-xerox ‘yung crush ko, so nasa likod n’ya lang ako. Medyo marami ‘yung kinokopya kaya matagal sa pila. Ayos kako. Chance ko nang maalok s’ya ng candy. Hinihintay ko s’yang tumagilid nang konti o humarap sa ‘kin para maalok, e kaso hindi n’ya inaalis ‘yung tingin n’ya du’n sa papel na sine-xerox. Hintay pa rin ako.

E dumating ‘yung isa kong kaklase na seatmate ko. Tumabi sa ‘kin at dinaldal ako. Syempre, nakita n’yang kumakain ako ng candy habang naghihintay. Wala talaga akong balak alukin s’ya e, kaso sa sobrang katangahan ko at kabutihang-loob, sa kanya ko inalok ‘yung candy na para sana sa crush ko.

“Candy, gusto mo?” sabi ko sa seatmate ko.

Pagkasabi ko nu’n, saktong lumingon ‘yung crush ko at tumingin sa ‘kin. Ala na. Nganga ako. Hindi ko na s’ya nakausap pa, at hindi ko na rin naibigay sa kanya ‘yung nirereserba kong candy. Nabulilyaso ‘yung plano ko. Nakakainis ako. Sobrang tanga lang. Candy na naging tae pa.

Tangina.

Hindi kami naging close nu’ng crush ko na ‘yun hanggang sa matapos ‘yung sem. Pero may isang insidenteng nagkausap kami nang medyo matagal. Hindi ko talaga makakalimutan ‘yung kilig ko nu’n. Arte. Saka ko na lang ikukwento kasi medyo tragic ‘yung pangyayaring ‘yon. But, sabi nga ni Madame Morrible kay Nessa sa Wicked, it’s “tragically beautiful.”