Norte: WTF

by Sankage Steno

Napanood ko kagabi ‘yung 4-hour film ni Lav Diaz na Norte, Hangganan ng Kasaysayan doon sa Trinoma. Talagang nilipad ko ‘yun from Makati para lang makaabot sa 6:30pm na start. Tapos Filipino time. Sayang ‘yung P500 na nahulog mula sa bulsa ko dahil sa pagtakbo papuntang MRT.

In fairness sa pelikula, hindi ako na-bore. Proof n’yan e hindi ako tumayo sa upuan ko at hindi ko nakain ‘yung baon kong Oreo Doublestuf. Ganu’n s’ya ka-engaging for me. Umpisa pa lang ba naman, ang pinag-uusapan na e mabigat na diskurso tungkol sa lipunan gamit ang kung anu-anong -isms (Post-modernism, Capitalism, Marxism, Fundamentalism, etc.).

Dugu-dugo na agad ang ilong wala pang dalawang minutong umaandar ‘yung pelikula. Huling dumugo ‘yung ilong ko sa isang pelikula e nu’ng, ano, noong… wala akong maalala. First time yata ‘to.

First time ko rin namang nakapanood ng sine ni Lav Diaz. Nu’ng college ako, hindi ko napanood ‘yung 10-hour film n’ya na Ebolusyon. May klase yata ako nu’ng time na ‘yun, or wala akong pera para pambili ng ticket. Or both.

Kaya happy ako sa Norte. Happy in the sense na natapos ko s’ya at na-appreciate. Ang hirap n’ya kasing i-absorb, pero doable naman. And I have to thank my friend para matulungan akong i-absorb ‘yung pelikula. Nu’ng tinanong n’ya ko kung ano masasabi ko, ang sagot ko lang e “mindfuck” s’ya. Tapos eto ‘yung nasabi n’ya about the film:

Tinira n’ya ‘yung mga intelektwal tapos ginlorify n’ya ‘yung working class.

Nag-agree naman ako totally. Tapos naisip ko rin, ‘yung pelikula ay isang pagtatangi sa mga masa, pero hindi naman s’ya kayang abutin ng masa. Hindi s’ya ‘yung pelikulang tatangkilikin ng common tao. At ‘yung intelektwal na tinira ng pelikula e s’ya pa mismong market o audience na “makaka-appreciate” sa naturang palabas. So hindi ko alam kung sino talaga ang tinitira o kung pareho silang tinira.

Ang daming pinatamaan ng Norte. Syempre and’yan ‘yung lipunan, tapos ‘yung pulitika at pamahalaan, saka ‘yung ating kasaysayan. At pinakanatawa ako sa patama tungkol sa relihiyon. E lalong hindi nga ‘to tatangkilikin ng maraming Pinoy dahil mabubwisit lang sila sa mga pinagsasasabi tungkol sa pananampalataya at pagiging palaasa natin sa Diyos.

Hindi magugustuhan ng CBCP ‘yan o ng mga brothers and sisters natin sa fellowship. No, no, no.

Sobrang na-exercise ‘yung mga brain cell ko sa panonood ng pelikulang ‘to, pramis. Nag-palpitate din ng 2341 times ‘yung puso ko dahil sa mga WTF na eksena. Roller-coaster ride s’ya, or tsubibo para Indie talaga. At worth it ‘yung binayad kong P250 sa panonood. Well, for some baka hindi worth it kasi kakaiba ‘yung ending.

Well ulit, hindi s’ya kakaiba in its Indie sense. Akshuli, medyo na-predict ko nga e. Sabi ko… oops, spoiler. Hindi na lang. Basta ‘yung ending nahulaan ko. Ikaw, mahuhulaan mo kaya ‘yung katapusan ng Norte? E di nood na!