Gising sa Madaling-Araw

by Sankage Steno

Akala ko naalimpungatan ako kaninang 1:15am, pero hindi pala; ginising pala talaga ako ng ingay na narinig ko sa labas ng kwarto. Tahol kasi nang tahol ‘yung aso naming si Raffy. Syempre, disoras ng gabi, anong iisipin ko? Alin sa dalawang bagay: may nakapasok na magnanakaw sa bahay namin o may elementong hindi nakikita ng karaniwang mata.

Du’n ako sa pangalawa nag-subscribe.

Kahit ayoko, napilitan akong bumangon para i-check kung bakit nagkakakahol ‘yung aso naming, kung tutuusin e, sobrang tamad tumahol. Dalawang dahilan lang ang nagpapatahol kay Raffy: una, galit; pangalawa, takot. And again, du’n ako sa pangalawa nag-subscribe.

Dahil sa antok, medyo napigilan kong mag-isip ng kung anu-anong pwedeng katakutan ni Raffy. Nang hawakan ko ‘yung doorknob ng pinto sa kwarto, gumapang na ‘yung kilabot sa likod ko, pero hindi naman ako napigilan nu’n para itigil na ‘yung balak kong i-check ‘yung aso namin. Mas curious ako kesa takot. Oh well, curiosity kills the cat.

Good thing I’m no cat.

Patay ang ilaw sa sala nang makalabas ako. Ang tanging liwanag lang e ‘yung nanggagaling sa bumbilya sa may hagdanan namin. Du’n sa bandang hagdan ko natagpuang nakatingin si Raffy na may tinatahulan. Walang kakiyeme-kiyemeng tinignan ko agad kung meron bang multo o diablo sa direksyong ‘yon.

Wala naman akong nakita.

Ang ginawa ko, tinawag ko lang ‘yung aso namin para sawayin. “Raffy!” Tapos nu’n, binuksan ko ‘yung ilaw sa sala para kako hindi na matakot ‘yung aso. After that, bumalik na ‘ko sa kwarto para muling matulog.

Hindi pa ‘ko nakakalayo sa pinto ng kwarto namin e nagkakahol na naman si Raffy. E di natakot na naman ako. Nawala na talaga ‘yung antok ko. Ang ginawa ko, bago balikan ‘yung aso namin, kinuha at isinuot ko ‘yung salamin ko. Oo, ‘yun yata ginawa ko. Sorry, malabo na agad ‘yung memory ko kanina. Dala siguro ng takot.

So, ayun nga, mas malinaw na ‘yung paningin ko. Muli akong lumabas ng kwarto para sawayin si Raffy. Sa pagkakataong ito, nakita ko s’yang iba na ‘yung tinatahulan. Hindi na s’ya sa hagdan nakatingin. Du’n na sa may pinto papunta sa veranda. ‘Yung pinto kasi namin na ‘yon e yari sa kahoy at fiber glass, so kita mo ‘yung nasa labas kapag maliwanag.

E madilim kanina. Madaling-araw nga e. Kinilabutan na talaga ako nang bongs. “Raffy!” saway ko sa aso namin. Hindi n’ya ‘ko pinansin at nagkakahol pa rin sa direksyon ng pinto. “Raffy!” saway ko na naman. Natatakot na talaga ako at pinipilit kong huwag mapatingin sa may pinto dahil baka kung ano ‘yung makita ko. Ending, napatingin pa rin ako.

At… puta.

Dinakma ko sa leeg si Raffy at hinatak papasok sa kwarto namin. Nahirapan pa ‘ko kasi ayaw n’ya talagang tumigil sa kakatahol, pero dahil maliit lang s’ya at malaki ako, nagawa ko namang maipasok s’ya sa kwarto namin. Sinara ko agad ‘yung pinto at halos patalong bumalik sa kama.

Natahimik na ‘yung aso, pero ‘yung imahinasyon ko, ayaw akong patahimikin. Taraglis na aso ‘to. Sandaling oras lang na itutulog ko, ninakaw pa. Buti na lang malabo mata ko.