Music Warehouse

by Sankage Steno

Tumutugtug ‘yung Happy ng Squareheads sa cellphone ko, kaya bumuhos na naman ‘yung masasaya kong alaala nu’ng first year high school na halos linggu-linggo yata e pumaparty kaming magkakaibigan sa Music Warehouse doon sa aming probinsya. Ah, those were the days!

Para sa mga hindi nakakaalam, ang Music Warehouse e ‘yung katumbas ngayon ng Padi’s Point. Isa s’yang inuman/party place na merong malaking dance floor at stage para sa live band. Para sa isang nakatira outside Metro Manila, ang magkaroon ng ganu’ng lugar e big deal na, kaya naman panay ang punta namin du’ng magkakaibigan kahit hindi (pa) naman ako umiinom ng alcohol at naninigarilyo.

Ako kasi, personally, ang pinupunta ko sa lugar na ‘yun e ‘yung tugtugan talaga at ‘yung dance floor. Bukod kasi sa pagkanta e hilig ko rin ang sumayaw. Grabe, as in, sobrang nagwawala ako kapag nasa gitna ng dance floor. Kung pa’no ako naha-high kapag may videoke, siguro times two or three nu’n kapag nagsasayaw na ‘ko du’n sa gitna kasama ang mga kaibigan at strangers (at crushes. Hi hi hi!).

Now don’t think na pakawala akong bata noon. I mean, fine, sige, isipin mong pakawala ako if that’s your definition or understanding of pakawala, pero never kong pinabayaan ang pag-aaral ko. Honor student pa rin ako at sangkatutak ang medal na inuuwi taun-taon from school. Magaling ako e. Sobra. I know magaling ka rin, pero, sorry, this is not your blog, so hindi kita pupurihin masyado.

Moving along, ‘yung mga kasama ko namang kaibigan, ang pinupunta nila du’n sa Music Warehouse e ‘yung paborito nilang banda like Moonstar 88 o Parokya ni Edgar. Gusto ko rin naman kapag may sikat na napupunta sa ‘min. Ang di ko lang gusto e sobrang napupuno ‘yung lugar at hindi na ‘ko makasayaw sa dance floor. Sobrang init pa at mausok!

Meron din naman akong kaibigan na ang hanap du’n e beer o sigarilyo o mag-explore at gumawa ng “kababalaghan.” Pero gaya nga ng nasabi ko, hindi pa ‘ko bisyonero noon. Bisyonero? Ayan, nakapag-imbento pa ‘ko ng bagong Tagalog word. Ang galing ko talaga.

Maliban nga pala sa Happy, ang madalas pang tugtugin noon sa Music Warehouse e ‘yung Family Affair ni Mary J. Blige at saka ‘yung Let the Joy Rise ni Abigail. Ayan, shet, medyo nao-overwhelm ako sa memories. Saglit lang ha, I’m having a moment.

Okay na.

Hay, nakakalungkot lang at nagsara ‘yung kaisa-isang party place sa amin. Hindi ko alam ang dahilan, pero most likely e nalugi. Hindi raw kasi ako bumibili madalas ng beer at pulutan. Entrance fee lang daw binabayaran ko tapos du’n na ‘ko sa dance floor hanggang sa magsara sila ng 2am or 3am. Saklap lang. Buti na lang marami akong naipong magagandang alaala du’n.

https://i0.wp.com/soundelementsct.com/images2/lights3.jpg