Himagas Biyernes: Sweet Ideas’ Red Velvet Cupcake

by Sankage Steno

Kalatas ng Kage: Napakadaling magnakaw ng ideya. Kung di ka pa magsisimula, mauunahan ka. You know who you are.

Pagkatapos kong kumain ng lunch, naglakad-lakad ako sa labas ng office para maghanap ng makakaing panghimagas. Hindi naman ako natagalan sa paghahanap dahil mismong sa tapat ng building namin e merong isang cake shop na matagal ko nang natatanaw pero lagi kong dinedema dahil mukang mahal ‘yung mga tinda. ‘Yung Sweet Ideas ang tinutukoy ko.

E sweldo ngayon.

Pumasok ako sa shop at nakita ko ‘yung pangit na interior n’ya. Kahit ‘yung mga cake e pangit din ang decoration. Parang kahit ako na novice masterbaker e kayang-kayang gayahin ‘yung mga ‘yon. Anyway, hindi naman pamimintas ang pinunta ko do’n, so namili na ‘ko sa mga pangit na naka-display. Syempre, una kong napansin ‘yung mga cupcake.

“Ano pong flavor neto?” tanong ko sa aleng tumatao roon.

“Chocolate saka red velvet,” sagot n’ya.

“E magkano naman po?”

“P65 lahat ‘yan.”

Medyo mataray ang dating sa ‘kin ni ate. Akala yata wala akong perang pambili. Sampalin ko ngala-ngala n’ya e. Kung makapangmata kala mong kay kinis-kinis.

Balik tayo sa himagas. Medyo mahal para sa ‘kin ‘yung tinda nila kasi di naman ganu’n kalaki ‘yung cupcake. Siguro nasa 3oz to 5oz lang ‘yung size, pero affordable pa rin naman. Obviously, binili ko na s’ya, at pinili ko ‘yung red velvet dahil gusto kong mapuno ng food coloring ang bituka ko.

Para sa mga hindi pa nakakaalam, ang red velvet cake o cupcake o kahit ano pa ‘yang baked goody na ‘yan ay isang pangkaraniwang chocolate cake lamang na nilagyan ng red food coloring. Ang una kasing parte ng katawan na kumakain e ‘yung mata. Kaya nga may Tagalog term tayo na ‘takaw-mata’ di ba? So ayun, ‘yan ang napapala natin sa pagkain ng red velvet.

Binitbit ko ‘yung cake saka ‘yung inumin kong Sola paakyat sa office para ‘pag naglakad ako sa loob e mainggit ‘yung mga kasamahan ko sa trabaho. Gusto ko lang silang inggitin, hindi ko sila aalukin. Hindi naman kami close e. Saka pare-pareho kaming bagong sweldo. Kanya-kanyang paandar ‘yan ngayong araw.

Eto na, kinain ko na ‘yung pangit na red velvet. In fairness, masarap s’ya. Yes, ang ganda ng description ko. Nakakatakam talaga. Oo nga, masarap. Marami na ‘kong nakaing masarap na cake, pero masasabi kong may laban ‘tong cupcake ng Sweet Ideas. Mamasa-masa s’ya at sakto lang ‘yung dami ng food color. ‘Yung tissue na ginamit ko sa pagpunas sa nguso ko e di masyadong nagmukang nagtanggal ako ng lipstick, ganyan.

Sakto lang din ‘yung tamis ng buttercream o frosting (o icing) sa ibabaw, at amputi-puti rin nito, so malamang e mamahaling butter ‘yung ginamit at hindi lang Magnolia Dari Creme, na hindi naman talaga butter kundi frozen margarine lang. Walang pinagkaiba masyado sa Star Margarine.

Hindi ako foodie talaga. Mas gusto kong kumain kesa mag-picture o magsulat tungkol sa food, so hanggang du’n lang ‘yung sasabihin ko. Kung gusto mong malasahan talaga ‘yung inilalarawan ko rito, e di bumili ka.

IMG_20140328_134035