Stranger in Maroon

by Sankage Steno

Feeling ko UP din s’ya, naka-maroon e. I-assume na natin para masulit ang pagpapantasya ko ngayong April 1. Grabe, mukang may pinalampas na naman kasi akong chance for that one, true love. Antanga-tanga ko talaga… at ansakit-sakit na.

Nakasalubong ko s’ya sa harapan ng Peninsula Manila, du’n sa Makati, ‘yung hotel na may fountain na pagkaganda-ganda sa harap. ‘Yun ‘yung ginamit ni Regine Velasquez nu’ng nag-lip-synch s’ya para sa millennium celebration ng Pilipinas. Anyway, basta maganda ‘yung place at di ko pinagsasawaang makita kahit everyday kong nadaraanan. E mas gumanda pa s’ya kanina kasi nga may nakasalubong ako.

Shet, saglit, kumikirot ‘yung dibdib ko. Di ko yata kayang isulat ‘to… Ang arte. Gusto pang mag-moment. Sulat na… Eto na nga, so, ayun, nakasalubong ko s’ya. Malayo pa lang e dama ko na ‘yung presensya n’ya. Anlakas din kasi ng dating n’ya kahit di naman s’ya talaga drop dead gorgeous. Sakto lang, cute, ganyan. Di naman s’ya matangkad. Tangkad ko kasi e. So cute lang talaga.

Pero, men, lumundag bigla ‘yung puso ko nu’ng magtagpo ‘yung paningin namin. Syempre nahiya ako. Di ako sanay sa flirting e. Iniwas ko bigla ‘yung tingin ko. Tapos after a second, sinulyapan ko ulit ‘yung maamo n’yang muka. E dyahe, nakatingin pa rin s’ya sa ‘kin. Shet na malagket! Ansakit talaga sa dibdib. Di ako makakatulog nito mamaya.

Buti umihi na ‘ko sa office bago umuwi, kundi baka natuluan ko ‘yung brief ko sa sobrang kilig. Tulo lang, di naman buhos. Tulo talaga? Kadiri ko.

Ang mali ko, at sakit ko rin, di ko nginitian si stranger na naka-maroon. Hindi talaga kasi ako sanay lumandi in public places. Sobrang torpe ko talaga pagdating sa ganyan. Ambobo ko d’yan, pramis. Ito yata ang trade-off ng pagiging Sankage. Nakakaiyak.

Hanggang sa lampasan namin ‘yung isa’t isa, hindi ko na nakuha pang magpadala ng signal sa kanya na, hey, type kita. I just met you, and this is crazy… Di ko nagawa! Kung may scourge lang sa tabi ko, baka nagtika na ‘ko at pinaghahampas ang sarili dahil sa katangahan ko. Bakit ba ‘ko ganu’n katanga? UP naman ako! At UP din s’ya. Makapag-assume ako.

Kung sino ka mang stranger ka na nakatitigan ko for 2.54 seconds, mahal na kita. Hindi ko alam kung anong mahika ‘yung ginamit mo sa ‘kin, pero nahulog na ang puso ko para sa ‘yo. Salbahe ka! And I like it. Iyon na yata ang pinakamasayang 2 seconds ng buhay ko in the last decade. Hinding-hindi kita malilimutan.

Kung nasa’n ka man ngayon, sana naiisip mo rin ako. At kahit malabong mangyari, umaasa akong mababasa mo ‘to para malaman mong ikaw na ‘yung matagal kong hinahanap… kahit di naman talaga ako naghahanap. Basta gets mo na ‘yon. At alam kong ako rin ‘yung matagal mo nang hinihintay… kahit di ka naman naghihintay. Basta gets ko na ‘yon.

Sana magkita tayong muli sa buhay na ‘to.

Umaasa,

760711425454011010414