Dotahang walang humpay

by Sankage Steno

Dalawang araw na ‘kong gising, kahapon at ngayon. Wala naman talaga akong balak na patayin ang sarili, pero dumalaw kasi bigla ‘yung isa kong kaibigan at nagyaya mag-DOTA. E sino ba naman ang tatanggi sa DOTA di ba? Syempre umoo agad ako kahit pa may lakad ako ngayong araw.

Pumunta ako sa bunganga ng isang bulkan. Saka ko na lang ikukwento.

Naglaro kami bandang ala-una ng madaling-araw kanina. Hinintay pa kasi namin ‘yung isa naming kaibigan na nag-OT sa trabaho. So ayun, patayan talaga sa lamayan. In fairness, matagal-tagal na rin nu’ng huli kong laro. Mga two days ago. Antagal na ‘no? Grabe. Feeling ko tuloy pumurol na ‘ko sa paglalaro ng DOTA.

Pero in fairness, naipanalo ko ang lahat ng round sa iba’t ibang hero.

Agility type ako, ‘yung mga killer, tapos Strength ang next kong favorite. Bihira akong gumamit ng mga Int-type kasi nahihirapan ako sa dami ng pinipindot at dami ng mga item na dapat bilhin. Feeling ko rin e hindi sila effective masyado as hero kapag tumagal-tagal na ‘yung laban. Or baka sadyang di lang ako magaling sa kanila. Well, inaamin ko naman.

Ang mga nagamit ko kagabi e sina Traxex, Huskar, Lycanthrope at ang pinakapaborito ko sa lahat na si Strygwyr. Gustung-gusto ko kasi ‘yung Rupture, ‘yung dumudugo ‘yung kalaban kapag naglakad. As in! Ansarap panoorin na unti-unting pinapatay ‘yung kalabang hero tapos hinahabol pa at lalong pinahihirapan. Very minimal din ‘yung effect n’ya, di masyadong flashy. Tumatalsik lang na dugo.

Ambrutal ‘no? Pero sobrang benta sa ‘kin.

Meron ngang nagyayaya sa ‘min ng pustahan e. Gusto ko sanang patulan kaso ayaw nu’ng mga kasama ko. Naiintindihan ko naman sila. Ewan, napaka-competitive ko kasi minsan. Minsan nga kahit bata pinapatulan ko. Kahit ‘yung bunso kong kapatid na dekada ang pagitan ng mga edad namin. Kakahiya ako, isip-bata.

E anong magagawa ko kung talagang competitive? Saka ansarap kasi kapag nananalo ka sa DOTA. Ansarap mag-trash talk, lalo na kung ‘yung kalaro mo e pikon. ‘Yung pikon na sport ha. Labo. Pero, oo, me gano’n. Pikon pero hanggang bangayan lang at hindi naman talaga nagkakaaway. Saktong asaran lang. Pero kung may halong alak, baka mauwi sa rambulan. Buti DOTA lang talaga at wala nang iba.

Three hours lang kami naglaro dahil may pasok pa ‘yung dumalaw kong kaibigan. Nakakatuwa naman ‘yung dumayo pa s’ya talaga para lang makipaglaro ng DOTA. Nakakatats. Sana lahat ng kaibigan o kakilala ko e gano’n. At mas okay kung lahat sila e manlilibre na rin ng laro. Sayang din kasi ‘yung P50. Chicken fillet with rice and Coke din ‘yon sa McDo.