P.U.T.A.

by Sankage Steno

Alam mo ba ‘yung nangyari sa ‘kin kanina sa bus? Ay, taraglis, ang agang penitensya. Akala ko nga Katoliko na ulit ako e dahil sa pinagdaanan ko. Buti na lang napanatili ko ‘yung conviction kong hindi Diyos si Jesus at hindi totoong virgin si Mama Mary. Alam ko nga may asawa pa si Jesus e. Weh ka d’yan? Basahin mo ‘to.

Anyway, saka na ‘yung pambabalaj ko sa kinalakhan kong relihiyon. Irereserba ko na ‘yon next week, so antabayanan mo ‘yung Holy Week special ko rito sa blog. Exciting!

Eto ‘yung nangyari sa ‘kin kanina habang pauwi. Lumakad ako nang pagkalayu-layo papuntang EDSA mula sa Ayala kasi may sinabayan akong acquaintance. Naabala pa tuloy ako dahil sa lintik na pakikisamang ‘yan. Arte. So, ‘yun, nakarating din ako sa wakas sa may EDSA at nakapili ng bus na sasakyan. E dahil wala pang sweldo ngayon, du’n ako nasakay sa ordinary lang.

At least nakaupo ako. Sa aircon kasi punuan na.

Sobrang traffic sa EDSA. Ay sorry redundant. Basta mas matindi ngayon kasi nga Friday at Holy Week na next week. ‘Yung ibang corporate slaves e naka-leave na sa isang linggo kaya magsisiuwian na sa mga probinsya. So ako, bilang nakaupo naman e ayos lang. Di masyadong matindi ang pagtitiis. That’s what I thought; e biglang may sumakay at tumabi sa ‘kin.

Grabe, men, ang baho! Anlakas ng putok! Pinatubo, ‘tol! Nalibot yata ng amoy n’ya ‘yung buong planet Earth at ako ‘yung axis. Tengene. Ang ganda pa naman ng blue shirt n’ya. Nasukaan lang. Ang asim! Da’t pala nagdala ako ng okoy o lumpiang toge para sulit. Bawal sa ‘kin ang chicharon.

Dumungaw na lang tuloy ako sa bintana para di ko maamoy si seatmate. Ang kaso, sobrang usok naman sa labas. In a few seconds nagkakulangot agad ako. Binilog ko pa nga e saka shinoot du’n sa timba nu’ng nagtitinda ng mani sa kalsada. Yak! Ambaboy ko. Erase, erase. Imbento ko lang ‘yon. Pero, totoo, mausok talaga. Sakit sa mata. Para akong nasa factory ng kulangot.

Ampowts, kulangot na naman.

Habang pinipigilan ko ang paghinga, may isa na namang pasakit ang dumating. Hindi sa mata o sa ilong ko dumaan ‘yung bagong sakripisyo—du’n sa tenga. Nagpatugtog ba naman bigla sa bus ng Asereje na pagkalakas-lakas. Hindi naman sa pangit ‘yung kanta, hano, pero hindi s’ya bagay sa sitwasyon e. Lalong nakakainit ng ulo. Pramis, sana ma-try mo. Or not.

Just imagine ‘yung mga pinagdaanan ko kanina:

  • Putok
  • Usok
  • Traffic
  • Asereje

What did I get? See title.