Ang Alamat ng Diyos

by Sankage Steno

Ang Diyos, katulad ng mga multo, ay nag-e-exist sa halos lahat ng kultura sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi ‘yung nag-e-exist na mahahawakan mo o makikita kundi ‘yung paniniwala tungkol dito ang umiiral. Halos lahat ng lahi sa iba’t ibang panahon ay may paniniwala sa diyos o sa kung ano mang higher being na mas makapangyarihan sa tao.

Di mo ba gets? Ganito. Di ba tayo may paniniwala sa multo? Yung mga Hapon, may paniniwala din sa shinigami o multo o espiritu, tapos ‘yung mga Amerikano rin may paniniwala sa ghost. For sure ‘yung mga taga-Africa may tawag din sa multo. Iba-iba lang ang pangalan pero iisa ang essence o ‘yung tinutukoy. Ganu’n din sa diyos. Lahat tayo ay may konsepto ng higher being.

Sa ganitong kaalaman ko huhugutin ‘yung pinagmulan ng diyos o Diyos.

Hindi original sa ‘kin ‘tong idea na ‘to. Medyo may pagka-Nat Geo, pero sariling interpretasyon at salita ko, syempre. Ibibigay ko kung pa’no “naimbento” o “nadiskubre” ng mga tao ang diyos.

Imaginin mo ‘yung sarili mo na caveman ka o cavewoman. Bobo ka, as in walang alam sa mundo maliban sa primal instincts mo na kumain, matulog, makipag-sex at umiwas sa panganib. Walang science, walang education, walang religion, walang morality, wala kahit anong meron ang isang civilized na tao. ‘Yung talagang pinaka-basic lang na ikaw.

Ngayon, given na sobrang mangmang mo at wala kang kaalam-alam sa mundo, ni hindi ka nga sanay magtanim ng sarili mong pagkain, ano na lang ang iisipin mo kung sakaling may mangyaring bago sa ‘yong karanasan? I refer to “isip” here not as thinking like a modern man, pero ‘yung “isip” na para kang inosenteng bata.

Answer this: Anong iisipin mo kapag biglang kumulog at kumidlat? Instinct will tell you na dapat kang matakot, at matatakot ka talaga. E pa’no kung nakita mo talaga ‘yung kidlat na may tinamaan at nasunog na puno? Good luck sa ‘yo. Tandaan, mangmang ka rito ha. Di mo alam kung sa’n at pa’no nabubuo ang kulog at kidlat.

Most likely, tatanungin mo ang sarili mo na “Sa’n galing ‘yon? Ano nangyari? Bakit nangyari ‘yon?” At dahil wala pang science, ang sagot mo e most likely “Baka may nagagalit sa langit. Baka may naghahagis ng bato. Baka may halimaw sa taas.”

‘Yan ‘yon. Pwede ka pang umisip ng iba.

Ano naman ang iisipin mo kung biglang lumindol at nabiyak ang lupa? E pa’no kung sumabog bigla ‘yung bulkan? O nagka-tsunami? Syempre todo-todo na ang takot mo. Ang iisipin mo, again, most likely e “Baka may nagagalit na makapangyarihang nilalang. Baka may hari o reyna sa loob ng lupa o sa ilalim ng dagat o sa himpapawid.”

Dito na pumapasok ‘yung idea ng higher being o mas makapangyarihang nilalang. Think of the Greek gods and goddesses at ‘yung mga elemento nila. Zues, lightning; Poseidon, water, etc. Syempre, iba ‘yan sa iba pang culture, pero the essence is there. Ginagamit na explanation ng sinauang mga tao ang higher being sa mga di nila maipaliwanag na pangyayari.

Sa iba, ginagamit nila ang higher being para hingan ng tulong kapag bumagyo o kumidlat o lumindol o sumabog ang bulkan. Or, they try to appease these gods sa pamamagitan ng pagdarasal o pag-aalay. In time, syempre, nag-e-evolve ang paniniwala. At dahil din sa pagsasalin-salin ng kwento, nagkakaroon ng iba’t ibang depenisyon at interpretasyon ng Diyos.

Sa madaling salita, naimbento o nadiskubre ng tao ang diyos o higher being dahil na rin sa pangangailangan nilang bigyang paliwanag ang mga bagay na hindi nila maintindihan at/o para may mahingan sila ng tulong sa oras ng matinding pangangailangan o takot. At ‘yan ang sarili kong  “alamat” ng Diyos.