Anong pananampalataya?

by Sankage Steno

Merong pitong ‘a’ sa salitang ‘pananampalataya.’ Wala lang, binilang ko lang. Medyo nalula kasi ako sa dami n’ya pagkasulat ko nu’ng title. A, yes, inuuna kong isulat minsan ‘yung title. Anyway, nasabi ko lang. Wala ‘tong kinalaman sa tatalakayin ko ngayon sa ‘king blog.

Eto na talaga… Kung may relihiyon ka o kung naniniwala ka sa Diyos, gusto kong malaman kung pa’no mo nakuha ‘yang paniniwalang ‘yan. I know it’s a bit personal, at di mo naman kailangang sagutin ako. Sagutin mo na lang sa sarili mo habang binabasa ‘to, okay? Again, pa’no mo nakuha ‘yang paniniwala sa Diyos o sa kung ano man ang tinuturo ng relihiyon mo?

Let me help you answer my question. Nakuha mo ba ‘yang paniniwala mo sa:

  1. Kinalakihan mo – E kasi nu’ng pinanganak ka, pinabinyagan ka na nila nang wala kang kamalay-malay. Tapos, dahil ‘yun na ang kinalakihan mo, di mo na kinwestiyon. Tinanggap mo na lang. Kaya ayan.
  2. Pari/Pastor/Spiritual leader – E kasi ‘yun ang sabi sa ‘kin ng pari/pastor/leader e. Naniniwala ako sa kanya kasi s’ya ang talagang nakakaalam kung ano ang katotohanan. Pinag-aralan n’ya ‘yon ng mahabang panahon. S’ya ang expert, so I believe.
  3. Conversion – E kasi may nangyaring matindi sa buhay ko (Di ko pwedeng i-share kasi masyadong personal.). Sobrang depressed ako no’n, problemado. Ta’s biglang may nagyaya sa ‘kin, dinamayan ako at itinuro sa ‘kin na ang Diyos ang makakatulong sa lahat ng pinagdaraanan ko. Ayun, du’n ko nakilala si God.
  4. Holy Scripture – E kasi lagi akong nagbabasa ng libro. Nabasa ko ‘yung salita ng Diyos, ‘yung mga turo n’ya at ‘yung mga pangako n’ya para sa kaligtasan ng mga tao. Du’n ako napaniwalang totoong may Diyos at s’ya lamang ang makapagliligtas sa atin.

Alin d’yan sa apat na ‘yan. Posibleng combination at posible ring wala d’yan. Pero malakas ang kutob kong marami sa atin ang nakuha ang relihiyon o paniniwala dahil ‘yun na ang kinalakhan. Marami rin ang napaniwala dahil sa impluwensya ng ibang tao, sa galing nilang mag-communicate, particularly nu’ng mga panahong mahina ka at vulnerable.

Kung ito ang pinag-ugatan ng iyong paniniwala, fine. Hindi naman kita sinisisi. Walang may kasalanan d’yan. Ang next kong tanong, ni minsan ba sa buhay mo e kinwestyon mo ‘yung mga sources na ‘to? I’ll be rude, excuse me. Ni minsan ba e ginamit mo ‘yang sarili mong pag-iisip para alamin kung bakit ka naniniwala sa mga pinaniniwalaan mo?

Parang meta-cognition. Just Google it please.

Humahanga ako sa mga spiritual na taong na-reach ‘yung level of spirituality nila gamit ang sariling talino at pagsisikap. Hindi naman ako natutuwa masyado sa mga taong narating ‘yung pananampalataya nila dahil lang sa ‘yan na ‘yung dinatnan nila. ‘Yung hindi man lang dumating sa punto ng buhay nilang mag-isip at magtanong ng “Bakit?” o “Paano?”

Samantalang ayan lang naman ‘yung utak nila, nakakabit naman. Tsaka marami namang oras sa buhay ng tao na libre. Kahit bago matulog man lang o ‘pag idle time.

Ngayong dumating ka na sa puntong ‘to ng aking blog, siguro naman hindi masamang alamin mo sa sarili mo kung bakit ka naniniwala sa mga pinaniniwalaan mo at kung pa’no mo narating ‘yan. Dahil ba ginagawa ka nitong mabuting tao? Dahil ba tinutulungan ka nitong makaraos sa mga pinagdaraanan mo? Naniniwala ka ba dahil pinili mo ‘to? O baka dahil ‘yun lang ang alam mo? Worse, takot kang mag-isip?

I mean, takot kang kapag lumihis ka sandali sa pinaniniwalaan mo e baka di ka maligtas? Reading is thinking. So think. Please lang, humor me this time.