Walang mahirap na spiritual leader

by Sankage Steno

At least sa sarili ko, alam kong wala akong kilalang pari, pastor, charismatic leader, sugo o “pinili” ng Diyos na mahirap at namomroblema sa kakainin nila sa araw-araw. Karamihan sa kanila ay tapos ng pag-aaral, may maayos na tirahan, may sasakyan pa kung minsan at may panahon pa sa recreational activities.

Unahin ko ‘yung mga pari sa amin. Alam ko lahat sila may kotse. Alam ko rin na ang ilan sa kanila ay galing sa maykayang pamilya. Ang hirap kayang magpaaral ng seminarista—matagal saka magastos. ‘Yung mga pari ring ito e tumatanggap ng donasyon mula sa mayayaman nilang parokyano, kaya kahit lumaki sila sa “kahirapan,” nagkakaroon sila ng kotse, nakakapag-travel sa ibang bansa at nakakapagpaaral ng anak.

Siguro naman di ka ganu’n kamangmang para di malaman ‘yung fact na may porsyento ng donation sa simbahan ang napupunta sa bulsa mismo ng mga pari at ‘yung iba ay napupunta sa Vatican. Hindi ko alam kung ilang porsyento na lang ng total donations ang talagang napupunta sa pagtulong sa mahihirap.

Marami ring obispo at pari ang tumatanggap ng “kickback” mula sa mga pulitiko. Talamak ‘to nu’ng panahon ni Gloria. Meron pa ngang nanghingi ng SUV para sa birthday n’ya e. Ang kapal lang. Nakakahiya naman sa milyun-milyong Katoliko na naghihirap sa bansa.

Next ‘yung mga pastor. Wala akong kilalang pastor na dirt-poor. Lahat sila e sumusweldo nang sapat o malaki kung minsan. Karamihan din kasi sa mga Christian e middle class pataas. Bibihira ang Christian na taga-squatter. Try mong pumunta sa mga gathering nila, mga de-kotse, magaganda suot, ta’s ‘yung mga problema nilang shine-share e pang-first world.

Wala naman yatang nag-share ng problemang hindi sila makakain o wala silang matirhan dahil dinemolish ‘yung community nila. Wala.

Expectedly, ‘yung mga pastor nila e either middle class din pataas. Sa katunayan, kaya nilang buhayin ‘yung pamilya nila sa pagtatrabaho lang bilang pastor. Akalain mo ‘yon? Feeling ko mas okay pa ‘to kesa mag-call center agent ka. Sa donasyon pa lang, may sagot na sa kahirapan.

Then, and’yan din ‘yung mga leader ng Iglesia ni Cristo na laging mga nakabarong kapag umeere sa TV. Registered kaya sa Securities and Exchange Commission ang INC, so ibig sabihin, kumpanya ang turing sa kanila, at most likely e for profit.

Ang laki rin ng kita nila. Imagine, kaya nilang magpagawa ng biggest arena sa buong mundo. Nakakalula ‘yon. Bukod sa coliseum, meron pang small community sa paligid—ospital, school, etc. Magkanong donasyon kaya ang nakalap nila para makapagpatayo no’n? E magkano kaya ang kita ng mga lider nila? Nakakapagpagawa sila ng infrastructure while, at the same time, e pinapasweldo ang kanilang mga lider. Hanep.

Also, bukod sa yaman, malakas din ang impluwensya nila sa pamahalaan. Lagi kasi silang nililigawan kapag eleksyon dahil sa policy nilang block voting. Ibang klase talaga.

Finally, and’yan ‘yung iba’t ibang spiritual leader ng iba’t ibang sekta ng Christianity like sina Velarde, Quiboloy, Villanueva, Soriano, etc. Sige nga, tell me, sino sa kanila ang poor? Wala. Lahat sila ay milyonaryo. Lahat sila ay may magagandang bahay at magagarang sasakyan. Anytime din e kaya nilang mangibang-bansa gamit ang sariling pera.

Silang mga spiritual leaders natin, gaya ng mga pulitiko, ay hindi namomroblema kung kakasya pa ‘yung pera nila sa pang-araw-araw na pangangailangan bago ang susunod na payday. Silang lahat ay hindi iniintindi kung may makakain ba sila ngayon o bukas o sa isang araw. Silang lahat ay hindi inaalala kung mababayaran nila ang kuryente sa susunod na buwan.

Hindi nila pinoproblema ang ganitong mga bagay. Mayayaman sila e. Sana pala theology na lang ang kinuha kong kurso o kaya e sana naging preacher na lang ako at gumawa ng sariling sekta o relihiyon. Okay palang business/career ‘yon. Sana natutunan ko s’ya bago ako nag-college.

Tunay nga silang pinagpala. Mahal na mahal sila ng Diyos.