Patay ang Kabisera

by Sankage Steno

Pero buhay na buhay ang mga probinsya ng Pilipinas. Oh, the provincial life! Pramis, ang sarap. Kakauwi ko lang, actually. Hindi naman ako masyadong nahirapan sa byahe. Madiskarte kasi. At ang saya sa byahe pa lang, kasi nakita ko na naman ‘yung malalawak na bukirin na medyo golden na ang kulay ng mga palay kasi malapit na ang anihan.

Tapos andami ring makukulay na puno ngayong tag-init. Sa ngayong time sila namumulaklak—‘yung mga pink na bulaklak ng akasya, yellow sa narra, orange sa caballero o flame tree, yellow din sa april/may showers at sobrang dami pang iba.

Andami ring pagkain. Alam mo, marami sa mga taga-probinsya ang money-poor, pero di sila dirt-poor, kasi available naman ang pagkain everywhere. Grabe, andaming pakwan sa gilid ng highway. May mga kuhol pa. Yummy!

Eto ang masaya kapag umuuwi ako e, sagana sa pagkain. ‘Yung totoong pagkain ba. ‘Pag kasi nasa Maynila ako, ang nakakain ko madalas e luto ng ibang tao na tinipid sa rekado. ‘Pag di naman luto ng iba, luto sa fastfood restaurant na malasa nga, puro mantika naman. Iba talaga ‘pag luto sa bahay. May halong love.

Sinigang sa miso ulam namin ngayon. Basta sinigang benta sa ‘kin ‘yan, lalo na ‘pag eto ngang miso o hipon. Ang sarap ng sabaw, shet. Nakakakilig. Mahilig din ako sa daing na bangus o sa tinapa, tapos sasamahan mo pa ng manggang hilaw at kamatis at patis. Tapos magkakamay. Heaven!

Panalo rin ‘yung talbos ng kamote o kangkong. Pangmahirap na kung pangmahirap pero sobrang eto talaga ‘yung mga pagkaing gusto ko. At pagdating naman sa hapon o tanghali, syempre halo-halo, saka mga streetfood. Mas mura kasi ‘yung mga isaw, betamax, adidas, etc. dito sa probinsya. Saka mas masarap for me.

Ansama ko na ba? Sorry naman. Nag-eenjoy talaga ako kahit mahal na araw. Parang pasko lang ‘yung pakiramdam.

Andito kasi halos lahat ng kamag-anak ko. Walang natira sa Maynila. Patay na patay ngayon ‘yung kabisera. Well, fine, sige may tao pang natira, pero sarado lahat ng malls, so patay nga. E dito sa ‘min, kahit isara pa nila ang mall, enjoy pa rin. Andito ‘yung mga pinsan ko at mga kapatid. Hindi kami kumpleto kasi marami na ‘kong namatay na mahal sa buhay, pero ‘yung makasama mo lang ‘yung mga natitira pa e heaven pa rin.

Kumpleto rin ‘yung mga kapitbahay namin dito, ‘yung mga kalaro ko noon at kaaway, andito lahat. Alam mo ‘yung kahit di na kayo masyadong close kasi may kanya-kanya nang buhay, pero ‘pag nagkitaan, kindat lang o bati, solb na? Ansaya na nu’n for me. Simpleng acknowledgement lang, ayos na. Parang nu’ng nagbatian sina Legolas at King Aragorn sa Lord of the Rings: Return of the King after ng coronation? Ganu’n.

Buhay na buhay talaga ang nayon, pero patay si Kristo.

So kahit mainit (actually, di masyadong mainit ‘tong Semana Santa ngayon), okay lang kasi nga andaming sources of happiness ngayon. Parang hindi penitensya at sakripisyo ang inuwi ko. Well, hindi naman talaga. Umuuwi ako para sa mga mahal ko sa buhay. Sila nagpapasaya sa ‘kin e, maliban sa pagkain at lust … este, love pala.