Salamat sa Alaala

by Sankage Steno

Di pa ‘ko mamamatay, gago. Hindi ‘to kadramahan. Kagaguhan ko ‘to.

Nasakay na naman kasi ako sa bus na may nagpapahayag ng salita ng diyos. E syempre ayoko nang bwisitin ‘yung sarili ko dahil papangit lang ako. So ang ginawa ko, pinilit kong i-distract ‘yung sarili ko kanina. Achib naman. Nagawa ko without using my headset and my phone. Mind works lang. Galing ‘no?

Mga tatlong upuan ang layo nu’ng preacher sa ‘kin. In fairness magaling s’yang magsalita. Lalake. Nag-uumpisa pa lang, lumulutang na ‘yung utak ko sa Enchanted Kingdom. Twice na kasi akong napunta do’n this year. ‘Yung una e dahil sa work ko. May media event. After nu’ng event, rides na kami nu’ng mga kasama ko. E nataong may mga nag-field trip na students. Natural, punung-puno at pila lahat ng rides.

Maliban sa carousel.

Du’n kami sumakay. Sa sobrang walang kalatuy-latoy n’ya, lumuwag ‘yung turnilyo ko sa ulo. Habang umaandar ‘yung mga kabayo paikot, sigaw ako nang sigaw. “Aaagh! Ayoko na! Nahihilo ako. AAAAGH!” Mukang tanga lang talaga. Tawa nang tawa ‘yung dalawa kong kasama. Pati ‘yung magjowa sa likuran namin, tumatawa. Di ko naman sila ka-close.

Habang inaalala ko ‘to, nangingiti akong mag-isa sa loob ng bus. Buti na lang nasa may window seat ako kaya du’n ako dumungaw sa labas habang natatawa sa sarili.

So salita pa rin nang salita si kuya sa harap. May pagkukutya na s’yang sinasabi sa mga detractors nila. Di ko na lang pinansin. May naalala na naman kasi akong nakakatawa. Tungkol naman ‘to sa previous kong work at mga dati kong kasamahan do’n.

Ugali kasi naming magpasahan ng mga interesting na articles o video o whatnot sa e-mail namin. One time, may nasagasaan akong nakakatawang post na NSFW kasi medyo bastos. Comics s’ya about sa paghuhugas ng kamay pagkatapos gumamit ng CR sa opisina. Here, check it out.

Sinend ko ‘yung link na ‘yan sa dalawa kong kaibigang officemate, isang babae at isang lalake. ‘Yung lalake, habang binabasa n’ya ‘yung sinend ko, nataong nakibasa ‘yung isa kong katrabaho na hindi ko naman sinendan ng link. S’ya pa ‘tong sobrang natawa. As in bentang-benta sa kanya ‘yung mga illustrations na ‘yan. Palibhasa berde utak no’n. (Apir! kung mabasa mo ‘to!)

Sobrang lakas ng tawa n’ya, as in! Naeskandalo ‘yung nasa kabilang department na may harang pang salamin. Parang tawa ni Buddha kung magkakatunog lang ‘yon. ‘Yung tawang malusog talaga. Kung magkakasound lang ‘tong mga salita ko, ipapadinig ko sa inyo. Ligayang-ligaya talaga s’ya na ako mismo e sa kanya na natatawa at hindi du’n sa sinend ko.

Natatawa ako at kinakabahan at the same time. Baka kasi mapagalitan kami ng boss. Buti na lang busy s’ya at nasa mas malayong lugar ng office.

Natawa na naman ako mag-isa sa bus. Pinipigilan ko talagang tumawa mag-isa dahil pagkakamalan akong galing sa loob. E malapit pa naman ‘yung apartment ko du’n sa mental hospital. Baka papasukin talaga ako nu’ng mga makakakita sa ‘king tumatawa mag-isa sa bus. Buti walang nakahuli sa ‘ken.

Nangongolekta na ng love offering si kuya after magbahagi ng salita ng diyos. Pinatugtog n’ya sa mobile speaker n’ya ‘yung Give Thanks. E me naalala na naman ako. Practice ng graduation namin noon sa catholic school na pinasukan ko nu’ng bata. Me isang insidente du’n na talagang bumenta sa ‘kin.

Marso, nagpapraktis kami sa ilalim ng sikat ng araw, katanghaliang-tapat. Habang nagmamartsa nang pares-pares, nakatayo lang ako do’n at nakabilad sa araw. ‘Yung isa kong ka-batch na kilala sa pagiging maharot at suki ng Prefect of Discipline, may ginawang kagaguhan na hanggang ngayon, ‘pag naaalala ko, natatawa talaga ako, pramis.

E di ba mainit, tapos boring? Nu’ng turn na n’yang magmartsa, naglabas s’ya ng payong. E bawal ‘yon kasi nga unfair sa iba. Lahat nakabilad tapos s’ya walang pakisama. Pero kebs lang sa kanya. Ang nakakatawa, ‘yung binuksan n’yang payong e ‘yung Micromatic. Alam mo ba ‘yon? ‘Yung payong na malaki at colorful na madalas gamit ng mga sidewalk vendor?

Grabe ‘yung moment na ‘yun. Andami kong tawa! Sobrang laki nu’ng payong, kahit ‘yung kasabay n’yang lumakad, nasilungan din at andami pang room na libre sa lilim. Palakpakan talaga kaming lahat na magkaka-batch. Di ko makakalimutan ‘yun talaga. Nalimutan namin saglit na mainit at boring. Iba talaga nagagawa ng kagaguhan.

Ayun, natapos na ‘yung pag-reminisce ko kasabay ng pangongolekta ni kuya. Nababa na rin ako after a few minutes. Sulit ‘yung byaheng ‘yon. Dami kong tawa. Thanks for the memories, lalo na du’n sa mga taong involved.