After 12

by Sankage Steno

Isa sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ay ‘yung hangover. Fine, sex, bokot. Pero given na ‘yon, kaya hangover ang isusulat ko ngayon. Maya ka na umangal. Alam kong masakit sa ulo at tiyan ‘yung pakiramdam no’n, pero read me first, saka tayo magsuntukan mamaya ‘pag di pa rin tayo nagkaintindihan. Papawis lang, mga 5 minutes. Partida, wala akong salamin.

Kaya ko sinasabing masarap na pakiramdam ‘yung hangover kasi it’s the best and the worst, sabay. Di ba inuman muna? E masaya ‘yon for sure lalo na kung walang gulong magaganap. Tapos the next day, paggising mo, after mong tumira ng ilang bote ng beer o wine, malamang hilo ka at tatawag ng uwak at parang binibiyak ‘yung ulo. ‘Yun naman ang worst.

Pero!

Ang maganda rito, kahit alam mong nahihirapan ka, alam mo ring hindi ‘to magtatagal. Alam mong after a few hours, normally after 12 ng tanghali in my case (as in all the time, never fails), babalik na sa normal ‘yung pakiramdam mo. Maginhawa na ulit kahit sa totoo e ‘yun talaga ang normal na pakiramdam mo sa araw-araw.

Pero kasi nga dumanas ka ng hirap, kaya ang sarap kapag natapos na.

Ang maganda pa dine, nararamdaman mo mismo ‘yung paghihilom ng katawan mo. Unti-unti kang nabubuhayan uli ng dugo. Dahan-dahan kang lumalakas. As in nafi-feel mo talagang nire-repair mo ‘yung sarili mo automatically. E kaya ka nga tumatawag ng uwak di ba? Nilalabas ng katawan mo ‘yung mga toxic chemicals sa loob. Ang galing lang. May natural tayong repair system.

‘Yun ‘yung sinasabi kong masarap na pakiramdam, ‘yung gradual na paggaling. Basta may iba s’yang kiliting hatid. Kiliting hatid talaga? Basta. Alam kong alam mo ‘yung sinasabi ko, unless di ka umiinom at never ka pang nagka-hangover. I pity you. Or maybe not. Hoy, hindi kita inuudyukang magbisyo ha. I’m just saying. Kung choice mong ‘wag uminom, e di push mo ‘yan.

Kanya-kanyang trip lang ‘yan sa buhay.

Kaya ngayong naka-recover na uli ‘yung katawan ko, pwede na ulit uminom mamaya. Biro lang. Hindi ako iinom ulit. Ayoko namang abusuhin ‘yung katawan ko. Di na kasi ako pabata. Joke lang ulit. Iinom ako.