Bawal OT

by Sankage Steno

Kasalanan ko bang efficient akong magtrabaho at natatapos ko lahat ng dapat kong tapusin within my shift? Bakit kailangan kong hintaying makauwi muna ‘yung boss bago ako umuwi? Kasalanan ko bang hindi pa s’ya tapos sa ginagawa n’ya at ako e tapos na? I’m speaking not just on my behalf, but on behalf of all those employees na lagi na lang OT pero walang bayad.

‘Wag po nating kalimutan na kaya tayo nagtatrabaho e para magkaroon tayo ng pera para sa sarili natin at sa mga mahal natin sa buhay. Hindi tayo nagtatrabaho para yumaman ang boss natin o para payamanin lalo ang kumpanya, although makakatulong ‘yon sa atin.

Syempre ayaw nating malugi ‘yung kumpanyang pinagtatrabahuhan natin, pero I don’t think ‘yun ang pinakadahilan mo kaya ka kumakayod araw-araw. Nagtatrabaho ka nang maayos, dapat pasahurin ka rin nang maayos.

Ang hirap kasi sa maraming boss at employer, akala nila, porke nag-eextend ng oras ang empleyado e mahusay na s’ya at magaling magtrabaho. The opposite might be true. Baka kung sino pa ‘yung laging OT e sila ‘yung walang ginagawa ‘pag oras talaga ng trabaho kaya laging nade-delay ‘yung gawa.

On the other hand, baka marami lang talaga silang gawa. On the other other hand, naniniwala rin naman akong kung sino ‘yung tamad magtrabaho e sila pa minsan ‘yung efficient at maparaan.

Bakit kamo?

I’ll use myself as an example. Dahil ayoko ngang nag-o-OT at ayokong nagtatagal sa opisina, humahanap ako ng shortcut sa mga ginagawa ko. Hanggat mapapadali, padadaliin ko ‘yung gawa. Kaya maaga akong natatapos. Ang masama nito, ‘pag nakita ng boss na wala ka nang ginagawa, iisipin tamad ka. Sa halip na humanga sa ‘yo dahil mabilis mong natapos ‘yung trabaho, iisipan ka pa nang masama.

So ang solusyon, busy-busyhan ka kunwari.

Sa labanan ng quality vs. quantity, hands down, laging panalo ang quality. Aanhin mo ang maraming oras ng pagtatrabaho kung magagawa mo naman ang isang bagay sa loob lang ng ilang sandali gamit ‘yung mga paraan mong sure hit naman? Hindi mo naman pinababayaan ‘yung gawa mo. Alam mong pulido naman, nagawa mo lang nang mas mabilis.

Lalo na ako, I trained myself para maging mabilis. Mabilis mag-isip at magsulat. Journalism kaya ako sa UP. At ‘yun din ang nakasanayan ko sa ilang taong experience ko sa pagko-cover ng event at pagsusulat. Ikaw ba naman ang may deadline lagi, hindi ka pa ba bibilis sa gawa mo? Ewan ko ba sa ibang tao kung bakit di nila ma-gets ‘yon.

Sila kasi, minsan, hinahaluan ng personal na buhay ‘yung professional life. Alam mo, kahit magaling kang mag-multitask, kapag personal na buhay na pinag-uusapan, siguradong magsa-suffer ang trabaho mo. Kaya isa-isa lang. Tapos ‘pag naiwan ka sa office, ibubunton mo sa iba ‘yung inggit at inis mo. ‘Wag ganu’n. Napaka-unprofessional.

Hindi tayo nag-aral ng maraming taon para lang magtrabaho. Hindi tayo nabubuhay para lang kumayod. Nag-aral tayo para matuto, at nabubuhay tayo para sa sarili nating mga pangarap at minamahal. Kung trabaho lang ang pangarap at mahal mo sa buhay, e di go, mag-OT ka pa. Basta ‘wag ka lang mandadamay ng iba.