Reunion sa Patay

by Sankage Steno

Marami na ‘kong nakitang ataul na may lamang patay sa bahay namin at ng mga kamag-anak o kaibigan. Ta’s mamaya, may pupuntahan na naman akong patay—‘yung ka-org ko sa UP. Nakakapanghina lang. Di ko naman s’ya ganu’n ka-close, pero to think na ambata pa n’ya at nakasama mo s’ya at one point in your life, masakit pa rin.

Kasama kong pupunta ‘yung iba kong kaibigan, so parang mini-reunion namin ‘to. In fairness naman sa amin, madalas pa kaming nagkikita ‘pag may holiday o ‘pag weekend o ‘pag may brokenhearted. Hindi naman kami katulad ng ibang magkakaibigan na nagkikita lang kapag may ikakasal o kapag may namatay. Hindi pa. Siguro after ilang years, kapag may kanya-kanya ng pamilya ‘yung karamihan, lalong dadalang ‘yung pagkikita namin.

Sa pamilya ko, although magkakasama kaming magkakamag-anak sa isang compound/bahay, ‘yung iba naming kamag-anak e nakakasama lang namin kapag may patay. Minsan ‘pag Pasko o ‘pag undas, ayan, nagkikita-kita, pero pinakanabubuo lang talaga kami kapag may namamatay.

Ang weird, pero medyo masaya kapag kumpleto kami sa burol.

Medyo lang, ha. Ang lungkot kaya kapag may patay, lalo na kung ka-close mo. E ako pa naman worrier, so minsan iniisip ko na baka may contribution ako, no matter how little, kung bakit namatay ‘yung isa kong mahal sa buhay. Ganu’n ako minsan e, me pagka-hypochondriac ang isip ‘pag may lumilisan. Yes, lalim. Lumilisan.

Ang pangit lang isipin na nakukumpleto lang kayong magkakamag-anak o magkakaibigan kapag may patay. Pero sabi ko nga, hindi pa naman worst case ‘yung sa experience ko. Although malaki ‘yung posibilidad talaga na sa nalalapit na hinaharap, magiging ganu’n na ang trend namin: Magkaka-reunion lang kapag may namatay.

Nakakaiyak. Mas nakakaiyak kung ako pala ‘yung patay. No!

Ayoko pang mamatay. Hindi matatahimik ‘yung kaluluwa ko (kung meron man) kapag namatay ako nang bata. Manggugulo talaga ako sa lupa. Hindi ako pupunta sa kabilang buhay o mundo (kung meron man) kapag namatay ako agad. Sinusumpa ko, guguluhin ko si Mother Earth. Guguluhin ko lahat ng tao sa mundo. Hindi pwedeng mamatay agad ako. I categorically refuse to die young!

Adik lang.

Ayun, wish ko lang naman e humaba pa ang buhay ko para maranasan kong mapanood na namamatay lahat ng mahal ko sa buhay. Potek. Ansama ko. Biro lang. Ayokong maranasan ‘yun. Pero ayoko ring mamatay nang maaga. Catch-22. Lintek. Damned if you do, damned if you don’t. In tagalog, sala sa init, sala sa lamig. Tama ba? Pakikorek ako kung mali. Ayos lang sa ‘kin.

Kaya ngayon, nag-eeffort akong kitain talaga ‘yung mga friends ko. Kasama din kasi ‘yun sa resolution ko nu’ng New Year.  Sa mga kamag-anak, di masyado. Baka kasi utangan pa ‘ko. Kaibigan muna. Isa-isa lang. Ayoko nga kasing sa burol kami next na magkita-kita. Okay lang sa kasal, at least masaya. Kaya wala munang mamamatay sa inyo. ‘Pag nauna ka, papatayin kita.

SLN, Nestor. ⊕

Nestor