Hoy, Pa

by Sankage Steno

Ba’t naman gano’n? Di mo naman ako inabisuhang ganito pala maging adult. Di pala madaling maging matanda. Kala ko kasi madali lang nu’ng andu’n ka pa. Para kasing andali-dali lang sa ‘yo pumasok sa office, kumita ng pera, ayusin ‘yung mga gamit sa bahay, paaralin kami at kung anu-ano pang gawain ng matatanda.

E ang hirap pala sa totoong buhay.ย Wala pa ‘kong asawa’t anak n’yan a. Pa’no pa kung meron, e di maaga siguro akong namatay sa atake sa puso? Kaka-stress din kasi. O baka naman kaya ka nauna agad e dahil tiniis mo lang ‘yung hirap? Ewan. Di ko masasabi. Malay ko ba sa mga tinatago mong nararamdaman noon. Hindi ka naman nagshe-share sa ‘kin ng hinanaing mo.

I know, I understand. Una, lalaki ka, at sa ginagalawan nating mundo, hindi dapat magpakita ng kahinaan ang mga lalaki. Pangalawa, anak mo ako, at sigurado akong hindi mo gustong pagpasanin ng mga ganyang problema. Ang pinapapasan mo lang sa ‘kin noon e mga lumber, hollow blocks, pala at piko nu’ng panahong ginagawa ‘yung bahay natin.

Mabigat din ‘yun a. Pero di siguro kasimbigat nu’ng mga dinala mo noon.

Hay, kapagod. Sana man lang nabanggit mo sa ‘kin noon kung ga’no kahirap maglakad ng papeles sa mga ahensya ng gobyerno. Sa school kasi madali lang. Basta sumunod ka lang sa utos, solb ka na. E sa mga ahensya natin, ‘pag sumunod ka sa proseso, lalong matagal. ‘Pag di ka naman sumunod, ilegal ka. Baka mapasama pa. Aminin mo, di mo naturo sa ‘kin ‘yon.

Eto pa isang bagay na di mo naituro sa ‘kin. Ang manligaw. Well, iba ang dynamics ko sa dynamics mo, pero kung nakapagkwento ka lang sa ‘kin noon kung pa’no at sa’n huhugot ng lakas ng loob o ng tamang tyempo, siguro mas madali sa ‘king pumorma ngayon. E kita mo naman ang lovelife ko, bokya. E kayo ni mama? Early 20s pa lang, kasal na.

Nasa late 20s na ‘ko, pucha.

Hindi naman kita sinisisi. Naiintindihan ko naman ang lahat. Du’n ako magaling e, sa pag-intindi. It’s a gift. O baka isa ‘yun sa mga naituro mo sa ‘kin nang hindi ko namamalayan. Ewan. Basta naiintindihan kita. Naiintindihan ko ang mga pangyayari sa buhay natin. Nanghihinayang lang ako sa mga what ifs.

Ayoko nang isa-isahin ‘yung mga ‘yon, basta alam kong alam mo na ‘yung mga gusto kong maging sana ngayon.

Gusto ko lang malaman mo na naaalala kita, na nami-miss pa rin kita kahit lagpas isang dekada na. Ayos lang kami, nakakaraos naman. Yes, parang nagdarahop talaga. Pero, seryoso, okay kami. Mas okay syempre kung and’yan ka. E kaso wala e. Anong magagawa? Di ko nga alam kung totoong may kabilang-buhay. Ayoko na ngang maniwala. Kaso kung hindi na talaga ako maniniwala kahit katiting, ibig sabihin wala ka na talaga.

E tangina, sinong kinakausap ko?