Andyan na yung chopper

by Sankage Steno

Tuwing umaga habang papasok sa opisina, lagi kong natatanaw ‘yung helicopter sa may Ayala. Minsan nakikita ko s’ya ‘pag nasa office na mismo ako. Pag-uwi naman sa hapon, nakikita ko ulit s’yang paalis na. Nu’ng una akala ko e du’n s’ya bumababa sa may Shangri-la o Peninsula Manila o du’n sa Tower 1 malapit sa Stock Exchange. Di pala. Du’n pala s’ya nag-a-unload (at nagsasakay ‘pag hapon) sa Allied Bank Center.

‘Yung building na ‘yun e isa sa pinakapangit na gusali sa Makati. Luma na kasi at hindi talaga kagandahan ‘yung architectural design, pero may helipad s’ya. Para lang s’yang kahon na nilagyan ng mga pinto at bintana, ganyan. Kahit siguro ako e kaya kong i-design ‘yon kahit wala akong degree sa Architecture. E di ako na.

Pero di ‘yung building ang gusto kong punahin kundi ‘yung nakasakay sa chopper.

Sobrang curious lang talaga ako kung sino ‘yung araw-araw bumabyahe sakay nu’ng chopper na ‘yun. Ang sosyal! Well, hindi naman kalakihan ‘yung sasakyan, hano, pero helicopter ‘to. Lumilipad! Sobrang iwas sa traffic sa EDSA. Siguro kahit 15 minutes bago ‘yung pasok mo saka ka pa lang gigising, hindi ka pa rin male-late. Antaray lang talaga nu’ng yamaneching ‘yon, kung sino man s’ya.

Oo, naiinggit ako. Di pa kasi ako nakakasakay ng chopper sa buong buhay ko. Ay, saglit. Nakasakay na pala, pero hindi s’ya umaandar. Alam mo ‘yung sirang chopper na naka-display sa Museo Pambata? ‘Yun, nasakyan ko ‘yun nu’ng mag-field trip kami do’n nu’ng maliit pa ‘ko. Astig kaya no’n. Andu’n pa kaya s’ya? Feeling ko andu’n pa, unless binagyo na at binaha at tinangay ng alon papunta sa Manila Bay.

Ang hula ko, dahil sa Allied Bank Center s’ya lumalapag, e si Lucio Tan ‘yung sakay no’n. S’ya kasi ang may-ari ng bangkong ‘yon. Bilang bilyonaryo naman s’ya, barya lang ang pagbili sa kanya ng private chopper (o kahit pa private jet o yacht). Maning-mani lang din sa kanya ‘yung gasolina no’n. Sa’n kaya nagkakarga ng gasolina ‘yung chopper? May sarili kayang gas station si Lucio Tan (kung tama ang hinala kong s’ya ‘yung sakay no’n)?

Iba talaga ang nagagawa ng pera. Ibang klase talaga ‘pag mayaman ka at nasa isang Third World country tulad ng Pilipinas. Lutang na lutang ‘yung pagiging iba mo sa nakararami. Kitang-kita ang contrast. Ang malala pa, alam mo na ngang mayaman ka, ipapamukha mo pa sa mga mortal na mayaman ka at mahirap lang sila. Ikaw na!

Imagine, walang sinabi ‘yung mga magagarang kotseng nakikita ko araw-araw sa Makati. Boom panes sila sa chopper na hindi nata-trapik at sobrang bilis pa. I’m assuming na mas safe s’ya at mas komportableng sakyan kumpara sa mga nasa lupang sasakyan na nagtitiis sa dami ng kakumpetensya, sa lubak na kalsada at sa sangkatutak na reckless drivers. I’m sure mas maingat at disiplinado ‘yung piloto ng chopper.

Sana magkaro’n din ako ng sariling chopper para di na ‘ko mamomroblema sa kakahintay ng promo fare sa mga airlines. Sana malaman kong ampon lang pala ako at tagapagmana talaga ng isang mayamang pamilya o royal family. Asa pa. Joke lang ‘yon. Ayoko talagang yumaman. Gusto ko lang makasakay ng chopper.