!@#$%?

by Sankage Steno

Gaano ka kasiguradong ako nga ‘tong nagsusulat nito at hindi ibang tao lang? Pa’no mo malalamang ako nga si Sankage Steno? Na s’ya/ako nga ang may-ari ng blog na ‘to? Nasisiguro mo bang ako talaga ‘to at hindi ko lang pinapasulat sa iba? Na hindi ko pinapagamit ‘yung pangalan at mukha ko sa kung sinong taong talagang nagsusulat nito?

E ‘yang mukha ko sa taas, sigurado ka bang akin ‘yan? At kung akin nga ‘yan, sigurado ka bang ‘yung taong ‘yan ang may utak na nag-iisip at lumilikha ng mga nakalathala rito? May pruweba ka ba? Pa’no mo nasabing ako nga ‘yan? Anong basehan mo?

Kilala mo ba ‘ko? Close ba tayo? Kung kilala mo ‘ko, alam mo ba kung pa’no ako magsalita? E mag-isip? Kapag ba kausap kita, katulad ng pagsusulat dito sa blog? Masasabi mo bang ‘yung ako na kaharap mo at ‘yung blog na binabasa mo ay iisang tao lang? Na pareho lang kami/sila? Gaano ka kakampante na akong kilala mo sa tunay na buhay ay siyaring taong nagpapadugo ng utak araw-araw para lagyan ng laman ‘tong puting espasyo rito?

Isa pa, kung talagang kilala mo ‘ko sa totoong buhay, anong alam mo sa ‘ken? Narinig mo na ba ‘kong magsalita gaya nang boses ko rito sa binabasa mo? Narinig mo na ba ‘kong magmura? Kelan ako nagsabi ng “Tang ina mo!” sa tunay na buhay? Kelan mo ‘ko narinig na talagang nagalit? Nakita mo na ba ‘kong magalit? Alam mo ba talaga kung sanay akong magalit at magmura? Gaano kalalim ba ang pagkakakilala mo sa ‘kin?

Tingin mo ba kilala mo na ‘ko dahil lagi mo ‘kong nababasa rito? Uulitin ko, sigurado kang ako ‘to? Saan at kelan mo ‘ko nakitang nagsusulat? Anong alam mo sa mga ginagawa ko araw-araw? Stalker ba kita? Hanggang saan ang alam mo tungkol sa ‘ken?

Ano, wala kang masabi? Akala mo titigilan kita sa katatanong at kauusisa ko? Sa tingin mo kapag pinagpatuloy mo ‘yung pagbabasa mo neto, may mapapala ka sa huli? At sino nagsabi sa ‘yong may huli ‘tong sinusulat ko? Kailangan bang matapos ang lahat? Kailangan bang may saysay ang lahat ng bagay sa mundo? Hindi ba pwedeng tuluy-tuloy lang ang lahat? Hindi ba pwedeng random lang ang lahat?

Bakit pilit mong binibigyan kahulugan ang lahat ng pangyayari sa buhay mo? Pa’no kung wala talaga?

Pa’no kung tama ako? Pa’no kung mali ka? Pa’no kung sabihin ko sa ‘yong walang tunay sa lahat nang ito? Maniniwala ka ba? Babasahin mo pa rin ba ako? Pagtitiisan mo pa rin bang puntahan ‘tong site na ‘to sa bilyun-bilyong pwede mong mapuntahan sa WWW? Bakit nagbabasa ka pa rin? Ano, umaasa ka? Pa’no kung talagang pinapaasa lang kita? Tutuloy ka pa rin ba?

Hanggang kailan ka magtitiis? Hanggang kailang mo pagtitiisan ang sulat ng ‘tong walang kwenta at puro mali ang bantas at balarila? Ano bang gusto mo? May nagsabi ba sa ‘yong pagtuunan mo ‘to ng pansin? Sino ka ba? Kaanu-ano ba kita? Ilang beses ko bang uulitin sa ‘yo na hindi ka naman siguradong ako nga ‘to?

Ano? Pwede ba? !@#$%?

 

Advertisements