Tambay King

by Sankage Steno

Hindi ko kasi nakuha ‘yung award na ‘to nu’ng college days ko sa UP kaya medyo disappointed ako sa sarili ko. Minsan nga iniisip ko, sana eto na lang ‘yung nakuha kong award kesa du’n sa Latin honors ko. Siguro kung naging Tambay King lang ako noon, mas maipagmamalaki ako ng Papa ko.

To compensate for my loss, bumalik ako sa UP noong Sabado. Alam mo ba kung ano ginawa ko? Tumambay lang. As in tambay from 7:45am to 6:30pm. Naglakad muna ako sa palibot ng acad oval. Bumaba ako sa unang waiting shed malapit sa daan papuntang Registrar’s Office, ta’s nilakad ko na pa-counter-clockwise hanggang sa makarating sa side ng UP Theater at College of Music.

Andaming nagja-jogging at nagba-bike. Sayang lang at di ako nakapagdala ng pantakbo.

Pagkatapos kong lakarin ‘yung buong oval, du’n ako dumiretso kay Oble. Nagbigay-pugay lang ako bago tuluyang pumunta sa may ampitheater. Du’n ako pumwesto sa ilalim ng isang punong mangga roon, ‘yung lalake. Alam mo kung bakit alam kong lalake ‘yung puno? Kasi hindi s’ya namumunga. ‘Yung ibang puno ng mangga sa paligid n’ya, hitik sa bunga. Andami ngang namimitas e.

Habang nakatanga sa ilalim ng punong mangga, nakuha kong manood muna ng mga ulap sa sobrang bughaw na langit. Ang ganda, taragis. Andami ko ngang na-form sa mga ulap e. Me nautilus, me Dionesia Pacquiao, me Shenron, me venus flytrap at kung anu-ano pa.

Noong maliit na bata pa lang ako (Actually, never akong naging maliit na bata. Mataba kasi ako at matangkad noon. Noon.), ugali ko ring manood ng mga ulap tuwing tanghali. Madalas kong kasama noon ‘yung kapatid kong sumunod sa ‘ken. Dalawa pa lang kami noon so kami lagi ‘yung magkalaro at magkaaway.

Ayaw na ayaw ko kasing natutulog noon kapag tanghali. Actually hanggang ngayon naman. Mas gusto kong maglaro o gumawa ng kung anuman kesa matulog. So tumatakas ako madalas kasama ‘yung kapatid ko para maglaro sa labas, manghuli ng tutubi at bumuo ng kung anu-anong bagay sa mga ulap gamit ang aming hiraya.

Maya-maya, and’yan na ‘yung tita o lola namin para habulin kami ng palapa ng saging. ‘Yun madalas ang pamalo sa ‘min kundi man manipis na kaputol ng kawayan. Syempre, kapag and’yan na ‘yung tita o lola namin, babalik na kami sa loob ng bahay para pagalitan at paluin. Minsan, nakakatulog akong umiiyak.

Kahit ngayon naman, nakakatulog pa rin akong umiiyak. Sa ibang dahilan nga lang.

Medyo nakakaiyak din ‘yung init ng araw sa UP nu’ng Sabado. Kung bakit naman kase pinili ko pang du’n pumunta. E malay ko bang kahit mapuno e maiinit pa rin? Kahit nakaupo lang ako sa lilim at walang ginagawa, pinagpapawisan pa rin ‘yung kilikili ko. Kahit nga magpaypay ako e, nanlilimahid pa rin. Pero sulit naman kasi sobrang payapa at ganda ng lugar. May rainbow nga akong nakita na paikot sa araw e. Ano ba tawag du’n? Halo rainbow?

Nakaka-miss lang ‘yung mga younger days ko sa UP. Na-miss ko ‘yung iba’t ibang huni ng ibon do’n habang naglalakad sa may lagoon. Lahat yata ng klase ng tunog ng ibon, du’n ko narinig. Me twit, me ak-ak-ak, me tru-tru-tru, me tiktilaok at meron ding “Panget! Panget!”

Na-miss ko ‘yung ampitheater mismo na kalahating dekada na yata nu’ng huli kong tapak do’n. Ngayon ko lang napansin na medyo inspired pala s’ya ng payew o hagdan-hagdang palayan. Or ako lang nag-aassume no’n? Bakit ba? Walang pakialamanan. Ako ‘yung andu’n e. Ako ‘yung naka-miss. At ako ‘yung taong bumabalik sa pinanggalingan kapag may nami-miss.