Most Guilty

by Sankage Steno

So may 18 dati at kasalukuyang senador ang kabilang sa listahan ni Napoles. Pupusta ako. Itataya ko ‘yung kaluluwa ko, pati na katawan ko, sige, na wala ni isa sa mga ‘yan ang aamin na tumanggap sila ng pera mula kay Napoles na galing sa kanilang PDAF o pork barrel. Taena, pupusta pa ‘ko na lahat sila sasabihing hindi nila kilala si Napoles.

Nagpasa na rin nga pala ng affidavit sa Blue Ribbon Committee itong si Napoles. At ang sabi n’ya, “I am not the most guilty.”

Himayin natin ‘yung sinabi n’ya. Dahil sinumpaan n’yang testamento ito, paninindigan n’ya lahat ‘to sa korte. Sa sinabi n’yang “I am not the most guilty,” ang intindi ko dito ay ganire. “Guilty ako. Totoong nagnakaw ako ng bilyong piso na galing sa pork barrel. Pero! Hindi ako ang pinaka-guilty. May taong mas malaki ang kasalanan kesa sa ‘ken.”

Napakalinaw ha. Dahil sa pahayag na ‘yon ni Napoles, parang inamin na rin n’yang s’ya e guilty sa krimen na ‘to, hindi nga lang most guilty. So bakit kailangan pa n’yang ipagdiinan na hindi s’ya ang most guilty? Simple lang ang kasagutan na, I hope e, alam mo na…

Kaya n’ya sinabing hindi s’ya most guilty dahil, kung hindi ikaw ang most guilty sa isang krimen, pwede kang maging state witness. Kapag naging state witness ka, pwede kang mapawalang-sala sa lahat ng kasamaang ginawa mo.

Kung sino man ang lawyer o taong nag-iisip ng next moves ni Napoles, medyo matalino s’ya ha. Malaki ang potential n’yang maging Mojo Jojo, isang evil genius. Umaasa lang akong mas maraming mabubuting tao sa gobyerno ang mas matalino kesa sa tukmol na ‘to.

Hindi lang ako sigurado sa isang bagay: Kapag ba naging state witness si Napoles, hindi na ba talaga s’ya mapaparusahan? Hindi na ba pwedeng bawiin sa kanya ‘yung perang ninakaw n’ya sa ‘tin?

Kung oo ang sagot, tangina n’yong lahat. Mamatay na kayo… please.

Sana naman hindi mateknikal si De Lima at pumayag na gawin ngang state witness itong si Napoles. Kasi kung hindi nga s’ya ang most guilty, e sino? Ang totoo n’yan, wala naman talagang most guilty dahil napakaraming taong involved at nagkasala. Pero dahil si Napoles ang conduit o daluyan ng lahat ng kadugasan ng mga pulitiko then and now, I think, obviously, s’ya ang dapat hiranging most guilty.

Pero ang totoo talagang guilty dito e ‘yung sistema at kultura nating mga Pilipino. Ang problema nga lang, hindi tangible at hindi tao si sistema at si kultura, so hindi mo s’ya pwedeng kasuhan at parusahan. Pwede mo lang s’yang baguhin.

Hindi ako abogado o hukom so baka maraming fallacy sa mga sinabi ko rito. Ang sa akin lang, maliwanag na may kasalanan itong si Napoles. At hindi basta-bastang kasalanan ‘to ha. Ang magnitude nito e parang Yolanda. Matagal nang tapos pero dama pa rin ang delubyong dala n’ya. For sure, aabutin pa ng taon ‘yung paninirang dulot nito. Ganu’n din kay Napoles. Sa dami ng perang ninakaw at pinanakaw n’ya na dapat sana e nagamit para sa ikaaayos ng buhay natin, taon din ang bibilangin bago mabawi ‘to.

‘Yun ay kung mababawi nga natin at kung matuturo agad kung sino ang most guilty.

I say si Napoles ang most guilty. Pero kung wala na kayong ibang taong maituro, ako na lang. Sige, ako na lang ang most guilty. Ang lilinis n’yo kasing lahat, mga walang kasalanan, purong-puro at napakadalisay. Ako hinde. Kaya go! Kasuhan at ikulong n’yo na ‘ko.