Guardian Angel

by Sankage Steno

Wala naman talagang nakakaalam ng anyo ng angel, di ba? Di nga natin sure kung totoo sila e. Pero kung sakali mang totoo sila (at parang gusto kong maniwala), sa tingin ko ‘yung guardian angel ko e anyong burger.

La lang, naisip ko lang. ‘Yun kasi ang breakfast ko kaninang umaga, ‘yung Angel’s Hamburger. E wala, wala akong time na mag-prepare ng sarili kong pagkain. Laging instant at on-the-go ‘yung kinakain ko araw-araw. Kaya nga gustung-gusto kong umuuwi ‘pag weekend sa ‘min kasi nakakakain ako ng masarap na luto ng lola ko.

Pero in fairness naman sa Angel’s Hamburger, ansarap n’ya. Biruin mo, sa halagang P33.50, meron na ‘kong dalawang mamantikang cheeseburger. Di na masama ‘yun ha. Busog ka na nu’n, unless may buwaya sa tiyan mo. Now, kung ikukumpara mo s’ya sa burger ng Jollibee o McDo, syempre mas masarap ng kaunti ‘yung kanila, pero di naman nalalayo masyado ‘yung Angel’s.

Saka mas mura. Dalawa pa! ‘Pag nagbayad ka ng P35, may sukli ka pa!

Alam ko nasa P29 na ‘yung Burger McDo at P28 naman ‘yung Regular Yum ng Jollibee. Mas mura nga, pero isang piraso lang ‘yun. Mabibitin ka pa minsan. E ‘yung sa Angel’s, dahil dalawa s’ya, may psychological effect na mas marami, so mabubusog ka talaga.

Ala lang. Natuwa lang talaga ako sa kanya. Ilang beses na n’ya kasi akong niligtas sa gutom, lalo na ‘pag ‘yung time na wala na ‘kong pera at matagal pa sweldo, o ‘yung may pinag-iipunan ako kaya di ako gumagastos masyado, ‘yung Angel’s Hamburger ang madalas na sumasalba sa kumakalam kong tiyan. Minsan siomai, pero that’s for another blog.

So dahil maraming beses na ‘kong niligtas sa gutom ni Angel’s, feeling ko talaga s’ya ‘yung guardian angel ko. Galing kong magkonek ‘no? Mukantanga lang.

Seryoso. Alam mo ba, this week lang, nakatatlong iba’t ibang burger ako. Nu’ng Martes, kumain ako ng burger sa McDo. Nu’ng Miyerkules, champ naman ng Jollibee. Ta’s kanina ngang umaga, almusal ko, ‘yung Angel’s. Ewan ko ba. Narinig ko lang sinabi ng isang DJ, nahawa na ‘ko. Bigla akong naglihi sa burger. Adik din ‘yung tiyan ko e. May sariling utak. At di s’ya nabubusog hanggat di nakakain ‘yung gusto.

Well, well.

Umaasa ako na sa nalalapit na hinaharap e lalo pang umunlad ‘yung Angel’s at maging kasinsikat ng Jollibee. At bakit hinde? Sa ganu’n din nagsimula ang Jollibee. Alam ko isa lang s’yang burger stand sa Cubao noon. So di malayong maging ganu’n din ang kapalaran ni Angel’s. ‘Pag nagkataon, mag-iinvest ako sa kanya. Bibili pa ‘ko ng stocks.

But for the meantime, habang isa pa lang s’yang hamak na burger stand sa kung saan-saang sulok ng Pilipinas, mag-eenjoy muna ako sa mga mamantika, manamis-namis na ewan at very affordable na burger (Berjer kung ikaw si Benjamin Abalos) ng Angel’s Hamburger.