Komorebi

by Sankage Steno

Sa ika-21 hakbang, hihinto ako. Makikita ko ‘yung pulang ilaw sa traffic light. May magtatangkang tumawid, at makakatawid s’ya, kapalit ng mahaba at makaubos-pasensyang busina. Panonoorin ko s’yang dedmahin ang galit ng ibang tao habang mabilis na naglalakad papunta sa kanyang uuwian.

Magbeberde ang ilaw, tutuloy ako sa paglalakad. Tatanawin ko ‘yung puno ng akasya sa gitna ng abenida. Ililipat ko ang masid du’n sa kulay kahel na ngayong puno ng caballero. Sana naging dendrologist na lang ako para lagi kong kayakap ang mga puno. Kakalma ako. Nasa gitna ako ng parke. Maraming kasabay. Hindi ko sila kilala. Wala akong pakialam.

Kalsada. Alas singko kwarenta y otso. Barok ang Espanyol ko. Porke? Tatawid na naman. Pasulong. Tingin muna sa kaliwa. Malayo pa ang pwedeng pumatay sa ‘kin. Sulong. Hinto ulit. Tingin naman sa kanan. Ayan na ang bakal na papatay sa ‘kin. Iwas lang, madali naman. Buti nagparaya, kaya tuloy lang sa pag-usad. At darating ako sa harap ng isang hotel.

Araw-araw, paulit-ulit, namamangha ako sa disenyo nito. Hindi sa ngayon. Nakapatay ang fountain. Walang tubig. Tigang. Parang… Hindi. Hindi naman tuyo ang aking. Ang aking. Wala lang mapagbuhusan kaya kalat. Walang porma. Lito ba.

Sa kukuha ng tabo, gawin mo nang timba. Kukulangin ka pa. Pero wala s’ya. Nauna na yata. Hanggang sa sasapit ako sa tawiran sa ilalim ng kalsada. Maliwanag naman at maraming tao. Maraming di-kilalang taong mamamatay nang hindi rin sila kilala. O baka mamatay din silang karaniwan, hinde, mahirap. Dugyot. Ordinaryo. Sa Pilipinas, oo.

Mall. Mall. Malls. Ang dami, tabi-tabi. Wala namang pambili. Kung meron man, di ko gagamitin para do’n. May pinaglalaanan ako, ‘yung matagal ko nang pinaglalaanan. ‘Yung di inaasahang gastos. ‘Yung ikakakabog ng dibdib mo at dibdib ko. ‘Yung hindi ko gusto. Pero pinaghahandaan ko. Sayang ang pera. Sana ginagamit ko sa bagay na ikasasaya ko.

Tulad ng pagpunta sa pulang distrito. Twice? Thrice? (Three times dapat.) Sulit do’n. Ingat lang sa sakit. Mahirap na. Baka lalong mapalaki ang gastos, mapabilis ang buhay. Hindi ko man lang aabutang pumuti ang buhok ko.

Ayan na ang huling tawiran. Hindi ako hihinga. Mabantot kasi paakyat sa hagdan. Hindi ko alam kung galing sa imburnal o galing sa malapit na banyo. Baka sa ilalim ng lupa. Pipilitin kong hindi maamoy, pero maaamoy ko pa rin s’ya. Masasayang ang effort. Pero hindi ang pagsubok. Lakad. Baba. Pili.

May napili na ‘kong bus. Ayun. ‘Yung hindi aircon. Sampu lang ang pamasahe. Sakto sa nasa bulsa ko. Di na kailangang dumukot ng perang papel. Sunod, pili ng upuan. Du’n sa bakante, sa kaliwa, sa may bintana. Wala pang nakaupo. Walang katabi. Ayos ‘to. Makakapag-isip ako nang walang sagabal.

May tumabi. Mabango. Isang sulyap lang. Pwede.

Six-o-one. Kausap ko na s’ya.