Imortal

by Sankage Steno

Matapos kong makipag-usap sa datu ng isang katutubong pangkat (Talaandig) na taga-Bukidnon at matapos nila akong pakainin ng pagkaing-bundok, nagpasya ‘yung datu at ‘yung kanyang asawang magdaos ng isang ritwal para sa ‘ken.

Sabi ng datu, “Para ipakilala ka sa mga spirits, para hindi ka nila guluhin.” Tapos may idinugtong pa s’ya na hindi ko masyadong naintindihan, pero parang may kinalaman sa pagdalaw sa aking panaginip.

Bago simulan ang ritwal, kinuha ng anak nilang babae ‘yung mga gamit sa parang altar sa isang sulok ng “tulugan” o elder’s house kung saan kami naroon. Puting tela lang ‘yon na nakabalot, at nu’ng buksan ‘to e meron s’yang isang platito na may lamang mga bunga.

“Food of (o for?) the immortals,” sabi ng datu.

Pero sa totoo, betel nut s’ya o ‘yung ginagawang nganga o moma. ‘Yun daw kasi ang kinakain ng kanilang mga ninuno noon, at may paniniwala silang ang kanilang mga ancestors ay hindi namatay. Kung tama ang pagkakaalala ko sa kwento sa ‘kin ng isa nilang shaman, umakyat daw o dinala sila sa Mt. Kitanglad at mula du’n ay saka inakyat sa outer space (or langit).

Bago umpisahan ‘yung ritwal, hiningan ako ng datu ng barya. Kahit magkano raw. Buti may naitabi ako sa bulsa ko. Dumukot ako at nakakuha ng piso na agad namang pinalagay sa ‘kin sa ibabaw ng puting tela, malapit sa platitong may mga bunga o food of the immortals.

Tapos yumuko silang lahat kaya napayuko rin ako, pero nakadungaw ‘yung mga mata ko sa ibaba ng salamin para silipin ‘yung ginagawa nila. ‘Yung datu at ‘yung kanyang asawa e nagsimulang magsalita na parang nagdarasal. Hindi ko maintindihan ‘yung salita nila dahil hindi Tagalog o Bisaya. Binukid s’ya, if I’m not mistaken.

Trivia: Apat na wika ang kayang gamitin ng mga katutubong ito: Tagalog, Bisaya, English at Binukid.

Hindi ko naiintindihan ‘yung sinasabi nila sa mga espiritu, pero narinig kong banggitin nila ‘yung pangalan ko at ‘yung pakay ko sa lugar nila. Narinig ko rin ‘yung pangalan ng taong nagpadala sa ‘kin doon.

Habang “nagdarasal” sila, nagsimulang magtahulan ‘yung mga aso sa labas. Una isa lang, ta’s naging dalawa, hanggang sa nadagdagan pa ng isa o dalawa yata. Basta hindi bababa sa tatlo ‘yung asong nagkakahulan nu’ng mga panahong ‘yon. Medyo kinilabutan naman ako. Baka kasi naglalabasan na ‘yung mga espiritu ng bundok at wala akong kamalay-malay sa presensya nila.

Ang kakaiba pa nito, sabay na nagsasalita ang datu at ang kanyang asawa, pero magkaiba sila ng sinasabi. Parang magkaiba sila ng dinadasal. Nanatili lang akong nakayuko at hinayaan sila.

Nang matapos silang magsalita pareho, pinakuha nila ako ng isang bunga sa platito at pinakain sa ‘kin. Alam ko ang lasa ng nganga dahil nasubukan ko na ‘to sa Sagada noon, at di ko s’ya nagustuhan. Pero dahil ayoko namang bastusin ‘yung kultura nila, at sila mismo na tinanggap ako sa kanilang lugar, kinuha ko na lang ang bunga at kinain.

Mapait s’ya na medyo maanta na nanunuot sa ilong ang lasa na di ko mawari, pero hindi naman s’ya ganu’n kasama. Nagulat ako kasi parang nagustuhan ko ngayon ‘yung lasa.

Nang matapos ang ritwal, binanggit na naman sa ‘kin ng datu ‘yung tungkol sa panaginip, na baka raw dalawin ako ng espiritu mamaya sa pagtulog ko. Na-excite naman ako. Curious ako sa kung anong mensahe ang ipapabatid sa ‘kin ng espiritung pinaniniwalaan nila.

Kinabukasan, wala akong maalala sa napanaginipan ko… Pero umaasa ako hanggang ngayon na isa na rin akong imortal katulad ng kanilang mga ninuno matapos kong kainin ‘yung bunga sa ritwal.