Kwentuhan naman tayo

by Sankage Steno

Isa na yata ang mga Talaandig ng Bukidnon sa pinakamadadaldal na taong nakilala ko sa mundo. Hindi sila katulad ng mga Westerners na mahilig sa small talk. Sila talaga,  big talk. Ikukwento nila ang tungkol sa kanilang nakaraan, mga karanasan, mga paniniwala, at kung anu-ano pa kahit kakikita n’yo pa lang.

Well, at least for me, ganu’n ang naging pagtanggap nila sa ‘ken. Sobrang friendly nila. Andaling makapalagayan ng loob. Biruin mo naman, ‘yung datu nila. Datu ‘to ha! Kinausap ako ng apat na oras. Naikwento n’ya yata lahat ng alam n’ya sa kultura nila, pati na rin ‘yung pagtatayo ng school nila hanggang sa mga conflicts noon at ngayon na kinaharap at kinakaharap n’ya.

Ang dami kong natutunan sa kanya na baka makapaglathala ako ng libro kapag dinetalye ko.

‘Yung asawa naman n’ya, kinausap ako ng isang oras matapos mag-almusal at isang oras pa ulit nu’ng byahe namin pabalik ng Cagayan de Oro. Naikwento naman n’ya sa ‘kin ang kahalagahan ng mga ritwal sa  buhay nila, mula pagbubuntis sa tao hanggang sa kanyang kamatayan. Nasabi rin n’ya sa ‘kin ‘yung tungkol sa paniniwala nila sa seven spirits o kaluluwa na meron daw ang bawat isa. Makatu ‘yung ritwal nila para sa mga espiritung ‘to.

‘Yung bunso naman nilang anak na nakasabay ko sa truck pabalik ng Malaybalay City, nakwento na yata sa ‘kin ang buong kabataan n’ya, pati ‘yung kaaway n’yang lalaki sa school na naging close friend n’ya. I smell something fishy here. Ta’s naikwento rin n’ya nu’ng nahulog s’ya sa puno ng bayabas, tapos ‘yung mga kaibigan n’ya, sa halip na tulungan s’ya e kinain ‘yung mga bayabas na nahulog. Nakakatawa s’yang kausap.

‘Yung shaman/ritualist naman nila, nakausap ko rin, at naikwento naman n’ya sa ‘kin ‘yung near-death experience n’ya. Ilang beses na raw s’yang umalis sa katawan n’ya at nakita itong patay. Nakita na rin daw n’ya ‘yung liwanag na laging nababanggit ng mga nakakaranas ng muntik na kamatayan. Dahil daw dito e nagkaroon s’ya ng espesyal na kakayahang makakita ng mga espiritu at makausap ang mga ito.

Sobra silang nakakaaliw. Kahit walang TV o libro, hindi ako siguro mababagot. Pupunta lang ako sa bahay nila, may makakakwentuhan na ‘ko. E kasi ba naman, kadalasan sa mga encounter ko na ‘yan, isang tanong lang, isang oras na kwento na ang sagot. Minsan nga, wala pa ‘kong sinasabi, may kinukwento na sila. At hindi naging hadlang ‘yung wika. Hindi man sila matatas magtagalog, malinaw naman para maintindihan ko.

Ako nga English at Tagalog lang ang alam. Sila apat na lenggwahe. Sa’n ka pa?

Na-miss ko tuloy bigla ‘yung panahong nagtuturo pa ‘ko sa college. Parang Talaandig din kasi akong instructor. Araw-araw, nagkukwento ako ng mga karanasan ko o ‘yung mga nasasagap kong interesanteng bagay. Na-miss ko talaga ‘yung tawa ng mga estudyante ko, pati ‘yung mga pagshe-share nila ng kwento at problema sa ‘kin.

Therefore, hahanap ako ng paraan para muling makapagturo at makapagkwento orally. (Nakakapagkwento naman kasi ako sa written format.) Any offer?