Malayang nakakulong

by Sankage Steno

Maraming version na ng argument na hindi raw tayo totoong malaya ang narinig ko sa tanang buhay ko. Naks! Haba na pala ng buhay ko. At me narinig na naman ako nu’n ngang napunta ako sa Mt. Kitanglad at nakausap ko ‘yung isa sa datu nila.

Sorry, ha, puro ganito ‘yung topic ko ngayong week. Andami ko kasing napulot, at di pwedeng mabaon s’ya sa hukay kasama ko balang araw.

Ganito naman ang version ni datu. Masyado raw tayong naimpluwensyahan ng mga taga-Kanluran kaya kahit wala na sila, kontrolado pa rin daw nila tayo. E pa’no nga, nakuha natin ‘yung relihiyon nila, nakuha natin ‘yung sistema ng edukasyon nila, at nakuha natin ‘yung mga tinatapon nila sa media at sa Internet. So, in a way, kontrolado nila ang pag-iisip natin.

No wonder tayo ang numero uno sa mataas na pagtingin sa Amerika.

Ano na raw ‘yung nagyari sa sarili nating sistema ng edukasyon, sa sarili nating spirituality? May point naman s’ya. Kasi nga, kasama sa mga nawala sa ‘tin e ‘yung sarili nating alpabeto, ‘yung alibata. Sino pa ba gumagamit no’n ngayon maliban sa mga tattoo artist, di ba? Ano na rin ang nangyari sa mga baylan? ‘Yung mga spiritual leaders natin? It just goes to show na may pinaniniwalaan tayong higher being noon.

At hindi tayo basta-basta mga walang diyos (atheist) o mga pagano kaya. (Although wala namang masama sa pagiging pagano kung tutuusin.)

Sa dami ng mga nawala na sa ‘tin, mahirap na tuloy sabihing may original tayong identity. Naging breed na tayo ng kung anu-anong lahi. Which is hindi rin naman masama. Ang nakakalungkot nga lang, baka may magandang part ng kultura natin ang pwede nating magamit para lalo tayong bumongga sa mundo, kaso nawala na lang at nabaon sa limot.

Ang wish ngayon ni datu e magkaroon ng “genius generation” na s’yang magtataguyod sa katutubo nating kaalaman. Ang mangyayari, gagawa tayo ng sariling curriculum, ng sariling education system na hindi lang nakabase sa western style. At least daw ‘pag nagawa ito, alam natin ‘yung style ng West, meron pa tayong sariling style na hindi naman alam ng West.

Kumbaga, secret weapon natin s’ya.

At bakit nga hindi? Kung mangyayari ‘yon, hindi na natin kailangang makibagay sa iba para lang masabing competent tayo. Ang mahirap lang, pa’no natin mahihikayat ‘yung mga nasanay na sa tradisyonal na sistema. Ang hirap kayang i-revise lahat at gumamit ng panibago at unproven na method. Ang suggestion, umpisahan sa maliit.

Doon muna sa mga katutubo na gumagamit na nito noon pa.

Well, not a bad idea. Kung magkakaroon nga tayo ng new breed of genius people, baka nga “makalaya” na tayo sa clutches of Western influence. Or kung hindi man, at least meron tayong dalawang sistemang pwedeng magamit to our advantage. Hindi ‘yung puro copy and paste lang tayo sa kung ano ang idikta ng mga mas makabago at makapangyarihang kultura ng mayayamang bansa.

This is all theoretical, but it’s a fair starting point.

Philippine Independence Day