Pinoy Big Bully

by Sankage Steno

Una, a disclaimer: Nag-audition ako noon sa PBB Teen Edition at muntik nang mapasok sa bahay ni kuya. Sumali ako dahil gusto kong magkapera, makatira sa aircon na bahay buong summer at makainom ng unlimited C2.

Ngayon ang issue: Alam n’yo na naman siguro ‘yung nude challenge ‘no? Ako, hinde. Nabalitaan ko lang sa Internet. Hindi na naman kasi ako nanonood ng PBB. Nakokornihan na ‘ko, saka nabubwisit na talaga kay kuya. Sobrang sensationalized na n’ya, scripted at wala akong mapulot kahit entertainment value.

Habang binabato n’yo ‘ko ng bato o tinapay, let me tell my reasons.

‘Yung nude challenge na ‘yan, isa lang ‘yan sa mga pakana ni kuya para “subukin” ang mga housemates. Subukin sa ano? Parang life changing a. E lahat naman ng challenge ni kuya, kahit walang sense, pilit binibigyan ng “moral lesson.” Pwede ba, kuya? Sana nagkwento ka na lang ng Aesop’s fable, hindi ‘yung mag-iimbento ka ng mga activities na kunwari may cause, kunwari may matututunan, pero pampataas lang talaga ng rating.

Ang madalas kong naiisip noon kapag may bago s’yang pakulo e eto: “Ba’t kaya hindi ikaw ang gumawa n’yan, kuya?” E Diyos kasi s’ya sa bahay n’ya. Lahat ng sabihin n’ya, dapat gawin ng mga kawawang housemate na (a) gustong sumikat, (b) gustong magkapera, (c) gustong muling buhayin ang career, (d) gustong magka-lovelife at (d) combination ng dalawa o higit pang choices.

Bully lang.

Eto pa nakakainis kay kuya, ‘yung boses n’ya, specifically kapag may tinuturuan ng leksyon o sinasabi ‘yung moral lesson ng kanyang challenge o activity. Napaka-solemn. Obvious namang peke, hindi sincere. Saka hindi ganyan magsalita ang isang nakatatandang kapatid. Ako, kuya ako, pero di ako ganyan makipag-usap sa mga kapatid ko o sa mga nakababata sa ‘ken. Barubal ako minsan. At ‘pag seryoso naman, hindi ko pinipilit magpaka-solemn.

Normal lang.

Kung may kilala kang kuya na tulad ni kuya sa PBB kung magsalita, sabihin mo sa ‘ken. Iganti mo si kuya sa akin.

So hindi na ‘ko nanonood ng PBB talaga kahit crushable ‘yung mga housemate. Hindi ko lang talaga matagalan. Ewan ko ba sa bahay kung bakit gustung-gusto nila ‘yung mga basurang palabas. Hindi ko naman sila mapagsabihan at sabihing ‘wag ‘yun ang panoorin. ‘Pag sinabihan ko silang “Ambababaw n’yo. Puro basura ‘yang pinapanood n’yo” for sure magagalit sila sa ‘ken, pero di sila magsasalita. Iisipin lang nila, “E di ikaw na malalim ang pagkatao. Ikaw na ang may taste. Kami na masa. Ikaw na matalino.”

Well, kahit totoo naman lahat ‘yon, kaya ko namang lumugar at mag-adjust o makisama. Pero di ko ipipilit sa sariling gustuhin ‘yung mga basurang palabas sa Pilipinas na lalong nagpapabobo sa mga viewers, kasama na ‘yang PBB. Mas gusto ko pang tumunganga kesa manood ng basura sa TV. At least ‘pag nakatunganga ako, nakakapag-isip ako. Gumagana kahit papa’no ‘yung utak ko. Sa PBB wala e, pine-prepare lang n’ya ‘ko para sa Alzheimer’s.