Left 4 Dead

by Sankage Steno

Kung totoong magiging pelikula ‘yung popular cooperative first-person shooter arcade-style video game na Left 4 Dead, ang gusto kong gaganap sa apat na bida e sina Napoles, Enrile, Estrada at Revilla. At gusto ko e me twist sa dulo: Mamamatay silang lahat.

Kung hindi ka maka-relate sa sinasabi ko, panoorin mo nuna ‘tong video sa YouTube.

Papayag din akong maging zombie na extra, tapos ‘pag take na, susugurin ko silang apat at sasaktan nang totoo. I’ll make sure na dudugo ang mukha nila o mababalian sila ng buto. Kahit nag-cut na ‘yung direktor, itutuloy ko pa rin ‘yung pananakit, ta’s sasabihin ko na lang na nadala ako ng eksena.

Pero mas okay sana kung sa totoong buhay s’ya mangyayari. Not the zombie apocalypse, pero ‘yung maiiwan talaga silang apat para magdusa. Like, for example, magsasama-sama sila sa isang selda o piitang masikip, mainit at mabaho. Du’n sila ikukulong dahil sa pagnanakaw at pagtataksil nila sa mga Pilipino. Wala dapat special treatment.

Hindi porket senador ka o dating pangulo o mayamang tao e pupwede ka nang bigyan ng magandang kulungan o kaya e payagang ma-house arrest. Hello? Ano ‘to, lokohan? Andami-daming petty criminals at wrongly accused ang nakakulong sa masisikip, maiinit at mababahong selda, tapos etong mga big-time criminals, makakawala lang, o kung mahuli man at makulong e maganda naman ‘yung piitan?

Nasaan ang hustisya roon?

Kaya sana naman e bilisan ng Sandiganbayan ang paglalabas ng warrant of arrest para makulong na ‘tong mga gagong ‘to bago pa sila makapagtago o makalabas ng bansa. Marami silang koneksyon at pera, kaya kahit may hold departure order pa e baka makatakas pa rin ‘tong mga kriminal na ‘to.

At ‘pag nakulong na nga sila, dapat e totohanin ‘yung concept ng Left 4 Dead, na doon nga silang apat maiiwan sa loob ng kulungan hanggang sa mamatay sila. Sayang at walang death penalty sa Pilipinas; da’t sana ‘yun ang parusa sa mga eto e. Hindi kasi nila alam kung ilang Pilipino ang naghirap at namatay dahil hindi natulungan ng pamahalaan.

Kung nagastos sana ‘yung perang ibinulsa nila sa mga pampublikong ospital o paaralan, kokonti lang sana ang mga nanay at sanggol na mamamatay, kokonti ang mga walang pinag-aralan at walang trabaho, at kokonti ang mga mahihirap na mapipilitang gumawa ng krimen para may makain sa isang araw. Money is not the root of all evil, it’s poverty. At maraming naghirap dahil sa apat na ‘to.

Kaya dapat silang mamatay na naghihirap din sa loob ng kulungan.