Miracle in Cell No. 10B

by Sankage Steno

Sabi sa balita, mas maganda pa raw ‘yung piitan ng mga senador na sangkot sa Pork Barrel Scam (na kasalukuyang dinidinig ngayon ng Sandiganbayan) kesa du’n sa mga bunkhouse ng mga binagyo sa Tacloban. Kaya ang ginawa ko, ginoogle ko ‘yung mga larawan para makita kung totoo ngang mas magiging maginhawa pa ‘yung buhay ng mga kurakot kesa sa mga biktima ng supertyphoon Yolanda.

Narito ‘yung ilan sa mga nahalungkat kong larawan.

Tingnan natin ‘tong pulis na pinapakita sa media ‘yung magiging piitan ng mga senador. May isang kama at maliit na table. Merong ceiling fan na mukhang bago at gumagana pa. Merong ilaw na mahaba. Merong lababo, at meron ding banyo. Ayun o, ‘yung nasa ulunan ng mesa. Tingin ko banyo ‘yun. Maluwang din at malinis ang paligid. Pwede kang magpa-house warming. Pwedeng mag-imbinta ng bisita at magpadala ng foods.

cell1

Tingnan naman natin ‘yung loob ng isang bunkhouse para sa nabiktima ng bagyo. Walang laman. Walang kama o side table. Walang lababo o banyo. Meron namang isang bumbilya ng ilaw. Mukha pa namang malinis, kaso masikip. Hindi ka pwedeng gumawa ng baby lalo na kung may kasama kang mga anak at kamag-anak, unless exhibitionist ka o suki ng torohan.

Bunkhouse3

Tingnan naman natin ‘yung labas. Eto ‘yung sa detention cell ng mga senador. Maaliwalas ang paligid. Meron pang view ng puno at isang high-rise building. Meron ding mga sink sa gilid. Walang kalat. Mukha namang tahimik at payapa. Pwedeng-pwede kang magbasa at magsulat at magmuni-muni nang tahimik.

cell3

E ‘yung sa bunkhouse kaya? Eto: Kitang kita ‘yung yero at plywood. Very stylish. Baroque ba ‘to o barok? Mediterranean style kaya o meditahi-tahi? May pagka-abstract ‘yung scene n’ya sa paligid. O baka naman post-modern style ‘to? Very inspirational naman ‘yung labas n’ya. Pwedeng-pwede kang gumawa ng Indie film.

Bunkhouse2

But let’s look at the bigger picture. Kung titingnan natin ang lokasyon ng piitan ng mga senador, makikita nating nasa loob ito ng kampo ng kapulisan. Secure. May matataas na pader. May mga pulis na bantay 24 oras. Daig mo pa ang Forbes at Dasma sa tindi ng seguridad. Hindi ka nga makakalabas, hindi ka naman mananakawan. Hindi ka rin mababagyo dahil yari sa bato ito.

cell5

Samantala… Kitang-kita ang close family ties sa mga bahay para sa biktima ng bagyo. Feeling close ka lagi sa mga kapitbahay mo. Hindi mo na kailangan ng gwardya dahil and’yan naman lagi ‘yung unemployed mong kapitbahay. Parang hindi rin ‘to agad matatangay ng hangin o storm surge. Dikit-dikit kasi masyado. Di ba ang stick, kapag pinagsama-sama at pinagkumpul-kumpol, lalong tumitibay? Hindi agad nababali. Tingin ko ganu’n din ang konsepto nitong bunkhouses.

Bunkhouse5

Ayan. Natunghayan na natin ang mga larawan. Nakita n’yo naman siguro ang pinagkaiba ng dalawang mundong ‘to. Kayo na ang magsabi kung may katotohanan ‘yung balita.