Muka ba ‘kong ano?

by Sankage Steno

Sabihin mo nga, muka ba ‘kong pulis? Muka ba ‘kong mapa o globo? Puro burol ba at kweba yung muka ko? Muka ba ‘kong GPS o compass? Kasi lagi na lang akong napapagtanungan ng direksyon ng mga nawawalang tao e. Hindi naman sa nagrereklamo ako, hano. Medyo gusto ko nga e, kasi I feel needed. Charot. Pero gusto kong malaman kung pa’no namimili ‘yung isang taong nawawala ng kanyang mapapagtanungan.

Nu’ng isang linggo kasi, naglalakad ako sa may Ayala Avenue papasok sa opisina. Ta’s me lumapit sa ‘king mama. Malaki ‘yung tiyan n’ya. Mas matangkad ako sa kanya. Nasa late 30s o 40 ang edad base sa itsura at kayumanggi ang balat n’ya. Tinanong n’ya ‘ko kung sa’n ang sakayan ng Leveriza. Tinuro ko ‘yung sakayan. E medyo tricky kasi sa Ayala. May lugar lang ng babaan at may lugar para sa sakayan. So para hindi na mahirapan si kuya, sinamahan ko na. Maaga pa naman saka on the way din s’ya sa office ko.

Habang naglalakad ng mga kalahating kilometro, kwentuhan muna. Muka naman s’yang mabait, in fairview. Naikwento n’ya sa ‘king first time daw n’ya sa Maynila at galing pa s’yang Davao City. Napasugod lang s’ya sa Maynila dahil may problema s’ya sa pamilya. Nakikiapid daw ‘yung asawa n’ya at gusto na yata s’yang ipapatay nu’ng kalaguyo nito. So lumuwas s’ya para humingi ng tulong sa church nila.

Basta gano’n. Di na ‘ko nag-usisa masyado dahil ang awkward.

Hindi ko na inalam ‘yung pangalan n’ya kasi alam ko namang di na kami magkikita ever. Feeling ko lang. Saka parang mas may art kapag nanatili lang s’yang nameless at stranger sa akin.

Anyway, maraming beses na nga akong napagtanungan. Minsan babae, minsan lalake, minsan naglalakad lang, minsan nakakotse. Naguguluhan talaga ako kung ano meron sa muka ko at laging ako ‘yung napipili nila. Dahil ba muka akong maraming alam? Dahil ba muka akong mabait at approachable? Suplado kaya ako in person. Saka hindi ako makikipag-usap unless kausapin ako. So what must be it kaya?

Ako kasi, kapag nagta-travel o kapag may coverage at di ako pamilyar sa lugar, ang mga pinagtatanungan ko e, una, ‘yung pulis o guard. ‘Pag walang pulis o guard, kahit sinong random na taong hindi mukang mamamatay-tao. Meaning, kung sino ‘yung pinakamalapit sa ‘kin na mukang disente. Wala akong pake kung babae man yan o lalake o bakla o tomboy o maganda o gwapo o pangit.

Pero feeling ko me factor ‘yung salamin ko. Feeling ko nakakadagdag s’ya sa aura ko na parang isa akong taong may authority at maraming kaalaman. Hindi ako sure, so pinaplano kong kumuha ng contact lens at i-try gamitin ‘yon. Kapag pinagtatanungan pa rin ako, ibig sabihin wala sa salamin ko ‘yung sagot. Baka pure coincidence lang ang lahat.

Sobrang dalas na coincidence, I must add.