Ang hirap maging commuter

by Sankage Steno

Tangina lang ‘yung MRT saka ‘yung trapik sa EDSA. Kahit saan pila e. Kahit bababa lang ng hagdan! Taragis. Buti na lang at tabi-tabi ‘yung mga mall sa Makati. Nagpalipas muna ako ng oras. Punta ako sa SM, punta ako sa Glorietta, punta ako sa Landmark, punta ako sa Greenbelt. Ayun, sumakit ‘yung paa ko. Mas okay na ‘yon kesa naman maghintay ako sa pila.

Bumili muna ako ng panregalo sa mama ko. Malapit na kasi ‘yung birthday n’ya. Di ko sasabihin dito ‘yung gift ko at baka mabasa n’ya ‘to. (Although alam ko namang di s’ya nagbabasa ng blog ko.) Nang mapagod na ‘ko sa kakalakad at sa kakahanap (kanina) ng mabibiling panregalo, punta ako sa coffee shop, du’n sa Bo’s Coffee sa may Glorietta 5. Lagi ko kasing dinadaanan ‘yun ‘pag umaga. Finally, nakapagkape rin ako kanina.

Habang hinihintay kong humupa ‘yung mga tao sa MRT at sa EDSA, basa-basa muna ng libro habang nagkakape. In fairness sa Bo’s, galing pala sa mga local farmers ‘yung kape nila. Kung tama pagkaintindi ko sa mga naka-display sa pader nila, galing ‘yung kape nila sa mga bundok sa Benguet, Sagada, Kitanglad, Apo at Matutum. (‘Yung dalawang huli na lang ang di ko pa napupuntahan.)

Ayun, chillax lang. Enjoy naman. Natapos ko na sa wakas ‘yung binabasa kong nobela, at na-depress na naman ako. Dalawang sunod na kwento na ‘tong parang ewan ‘yung ending. Bakit ba ganito ‘yung mga napipili kong kwento?

Pero don’t get me wrong ha. Gusto ko s’ya kahit pa hindi happy ending.

As if naman happy lang ang dapat na ending ng mga kwento. That goes as well sa opposite nito. As if naman dapat tragic lang ang dapat na ending ng mga kwento. Di ba pwedeng parang ewan lang? Parang ‘yung mga nababasa ko? Kaya pati ‘yung pag-iisip ko parang ewan na rin e. Lakas kasing makaimpluwensya nu’ng mga nababasa ko.

Saktong 10pm, bago magsara ‘yung MRT, umalis na ‘ko sa coffee shop at naglakad papunta sa station. Ayun, wala nang pila. Sobrang luwag na ng MRT. Pero di pa rin ako nakaupo. Okay lang naman. Ayokong maupo. Maghapon na ‘kong nakaupo. Ang lapad na ng pwet ko.

Sa loob ng MRT, nakatingin ako sa labas. Masikip pa rin ‘yung trapiko sa EDSA. Oh well.

Habang pauwi, pinapakinggan ko at pinakikiramdaman ‘yung mga kasama kong commuter. Wala masyadong agitated. Maluwag kasi ‘yung MRT. Karamihan e nagkukwentuhan. Ako? Nakatingin pa rin sa labas, pero ‘yung isip ko nasa loob, ninanamnam ‘yung ginagawa ng ibang tao. Ang nasa isip ko, mamamatay tayong lahat. For a moment, may kung anong naramdaman ako sa loob ko na parang gusto kong magsalita in public gaya nu’ng mga preacher sa bus para lang sabihing mamamatay tayong lahat. Pero di ko nagawa. I’m such a loser.

Pagdating ko sa bahay, walang tao. Naghubad na lang ako.