Pangangailangan

by Sankage Steno

Anim na pantig—ganyan karami sa pamagat nito. Pero, mas marami ang kaya kong ibigay na pagmamahal d’yan. Sa katunayan, sobrang dami kong pagmamahal sa aking puso, siksik, liglig at umaapaw. Nakakalunod. Kaya ang saya-saya ko e, para akong inililipad sa alapaap. Para s’yang gasolina na nagpapatakbo sa akin sa lahat ng ginagawa ko.

Muka na ba akong adik sa pinagsasasabi ko? Ayos lang ‘yan. Ganyan talaga ang bisa ng gamot na ininom ko kanina, nakakaadik. Kailangan ko naman s’ya para maibsan ‘yung sakit ng ulo ko. Kaya ngayon, lutang lang ako. Lumulutang sa pagmamahal. May kaunti lang akong panghihinayang. Wala kasi akong kasamang lumutang. Ako lang ang masaya. Gusto ko sanang may kasama akong masaya.

Sa madaling salita, tumatanggap ako ngayon ng makakasalo ko sa aking kasiyahan. Ibibigay ko sa kanya ang napakarami kong pagmamahal na nakareserba sa aking puso. Pasasayahin ko s’ya nang lubusan. Kukwentuhan ko s’ya nang mga nakakatawa at nakakalibang na bagay. Ibibili ko s’ya ng mga paborito n’yang pagkain. Reregaluhan ko s’ya kahit walang okasyon. Bubuhatin ko s’ya sa loob ng bahay dahil gusto ko lang.

Ipagluluto ko s’ya ng pasta, tapos kakainin namin, tapos may isang hibla kaming masusubo pareho, tapos magkakatitigan kami, tapos sisipsipin namin ‘yung isang hibla na ‘yon nang sabay hanggang sa maglapat ‘yung mga labi namin. Maghahalikan kami. Marubdob. Masarap. Punung-puno ng pagmamahal. Ipapadama ko talaga sa kanya kung ga’no ako kasarap humalik. At kapag nag-alab na pareho ang aming damdamin, itutuloy na namin iyon hanggang sa rurok ng kaligayahan.

Magbibiyahe kami sa langit. Kaming dalawa lang. Walang ibang kasama.

Araw-araw kong ipapadama sa kanya na mahal ko s’ya. Kahit pa magkagalit kami. Kahit pa may nagawa s’yang hindi maganda sa akin, o ako sa kanya. Sasabihin ko sa kanya lahat ng saloobin ko, kahit pa hindi n’ya iyon magustuhan. At, syempre, gusto ko ring marinig ang saloobin n’ya, kahit pa hindi ko rin ‘yon magustuhan.

Mag-aaway kami. Madalas. Baka araw-araw din. Pero hindi kami maghihiwalay. Pilit naming iintindihin ang bawat isa. Magkakasakitan kami ng kalooban, sigurado ‘yan, pero lilipas at lilipas din ‘yon. Sa huli, kami pa rin. Mananaig pa rin ang pagmamahalan namin sa isa’t isa kahit ilang beses pa naming saktan ang isa’t isa.

Malalaman namin pareho na hindi kami perpekto, na hindi kami laging masaya, na maghihirap kami minsan o madalas, na mahal ko s’ya at mahal n’ya ko. Dadaigin ng pagmamahal namin ang kahit anong sakit sa kalooban at sakit sa katawan.

Mapapasaya ko s’ya. At dahil do’n, mapapasaya ko na rin ang sarili ko. Matututunan ko lalong maging mapagparaya. Ang magbigay nang hindi humihingi nang anumang kapalit. Matututunan kong magmahal lang at magmahal pa.

Kasi lutang ako ngayon. Sobrang dami kong pagmamahal sa aking puso, siksik, liglig at umaapaw. Nakakalunod. Kaya ang saya-saya ko e, para akong inililipad sa alapaap. Para s’yang gasolina na nagpapatakbo sa akin sa lahat ng ginagawa ko.

Muka na ba akong adik sa pinagsasasabi ko?