Brotherhood

by Sankage Steno

Wala kang alam kaya ‘wag kang manghuhusga agad. Hindi ka namin ka-brod kaya hindi mo naiintindihan kung ba’t namin ginagawa ‘yung ginagawa namin. Wala kang alam sa initiation rites o sa tinatawag n’yong hazing.

Sa tingin mo ba basta lang pagpapahirap ‘yon? Hindi. Nagkakamali ka. Mahalaga ang hazing para subukin ang tatag ng isip at katawan ng isang nagnanais mapabilang sa aming kapatiran. Isa itong pagsubok. At gaya ng iba pang pagsubok sa buhay, layunin nitong turuan ka ng leksyon o mas patatagin ka para sa mas mabibigat na hamong kakaharapin mo sa malupit na mundo.

Sa bawat palo at hampas na makakayanan mo, lalong tumitindi ang ‘yong kakayahang balewalain ang sakit. Sa bawat mura at masasakit na salitang iyong maririnig, nakokondisyon kang palampasin ang mga bagay na walang kahulugan sa ‘yo. At sa bawat kahihiyang mapapagdaanan mo, malalaman mong hindi ka dapat nagpapadala sa iniisip ng ibang tao tungkol sa ‘yo.

Kung masasaktan ka, tiisin mo. Kayanin mo. Bakit? Ikaw lang ba ang naghihirap sa mundo? ‘Yang sakit mo na ba ang pinakamtindi sa lahat ng sakit na pwedeng madama ng lahat ng tao? Hindi ka ba sanay masaktan kaya hindi mo kinakaya ang mga pinaggagagawa namin sa ‘yo? Mahina kang pumasok sa kapatiran, pero pagkatapos ng initiation, malakas ka na. Hindi ka na iba sa amin.

Higit sa lahat, kapatid ka na namin. Brod.

Isipin mo, bakit kailangang dumaan ng bakal sa apoy kapag pinapanday? Lahat ng paghihirap at pasakit ay may katumbas na magandang dulot sa dulo nito. Walang punyal o gulok ang naging matalim nang hindi dumaan sa matinding init at malalakas na bayo. Kung hindi ka daraan sa mga pagsubok na ito, anong pinagkaiba mo sa ibang hindi namin kasapi? Kung walang ganitong proseso, sana ginawa na lang namin ka-brod ang lahat.

Hindi mo maiaalis ang sakit sa buhay ng tao. At lahat ng sakit, dapat pagdaanan. Dapat mong malampasan. Kung hindi, talo ka. Totoong may namamatay sa initiation rites, pero hindi maiiwasan ‘yon. Pinili mong sumapi sa kapatiran, alam mo ang mga maaaring mangyari sa iyo. Ginusto mo ‘yan. Hinanda mo ang iyong sarili para sa mga pagdaraanan mo.

Mahalaga ang buhay ng isang tao, pero hindi natin maiaalis na ang kamatayan ay isang realidad sa mundong ito. May mga maisasakripisyo talaga kung minsan. Hindi ibig sabihin nito na layunin na ng kapatirang kumitil ng kung sino man. Nangyayari lang talaga ang ganitong mga bagay. Walang may gusto nito.

Sa kabila ng lahat, kapag nakapasa ka at naging ka-brod namin, asahan mong mananatili kaming kaagapay mo kahit saan ka man dalhin ng iyong mga pangarap. Kahit tumanda na ang lahat at magkaroon ng sari-sariling buhay. Ang mga paghihirap na pinagdaanan ng lahat ng kasapi ang siyang pundasyon ng matibay na samahan ng lahat sa loob ng kapatiran.

Kung wala ang paghihirap, walang matibay na samahan.

Kung hindi mo ito maintindihan, baka hindi ka karapatdapat mapabilang sa amin. Kung ayaw mong makaranas ng sakit at hirap, wala kang karapatang matawag na ‘brod.’ Kung sa tingin mo ay isang malaking kahangalan ang lahat ng ito, kawalan mo ‘yon.

Kami, mananatiling buo. Mananatiling isa. Brod habang buhay.