Nagbago na si Jollibee

by Sankage Steno

1993. Buhay pa si papa. Sa gilid pa ng simbahan ang eskwelahan namin, hindi sa loob ng campus. Lagi pa akong nasa likod ng pila noon. Moro-moro ang paborito kong laro. At robot-robotan naman ang pinaka-high tech kong laruan, nabili sa Divisoria, tigsisingkwenta. Uwian ang pinakapaborito kong sandali sa buong araw.

Si nanay ang laging sumusundo sa akin, pero pinakanasasabik ako kapag si papa o si mama ang sumasalubong sa aking pag-uwi. Isa lang kasi ang ibig sabihin nito: maaari akong lumambing para madala sa Jollibee. Fifty-fifty lagi ang tsansa kong makakain ng Champ o Chickenjoy. Pero sa tuwing pupunta kami sa Jollibee, sobrang saya ko, kahit ano pa ang piliin kong pagkain. Hindi ako pihikan noon. Hindi rin pihikan ang bewang ko.

Kung ilalarawan ko ang bawat pagpunta ko noon sa Jollibee sa isang salita lamang, ang salitang ‘yon ay ‘pasko.’

Alam mo ba ang saya kapag Pasko? Kaiba ito sa saya kapag Bagong Taon. Mas nanunuot ang ligaya kapag Pasko. Ganoon ang pakiramdam ko bilang batang tumatangkilik sa pinakasikat na bubuyog sa buong Pilipinas (mundo?). Laging may kilig at pagkaatat sa kalamnan at mga lamang-loob ko. Parang doon nagmumula ang aking kasiyahan.

Noon ‘yon sa Jollibee.

1994-2004. Fast-forward tayo sa grade school at high school. Ang Jollibee ko ay napalitan ng karibal nitong McDonald’s. Dahil mas malapit sa aking eskwelahan, doon ang laging tambayan naming magkakaklase. Kahit isang float lang, solb na. Kung may pera pang sobra, sasamahan na rin ng fries. Ang Jollibee? Pinupuntahan pa rin naman. Siguro kapag Linggo, kapag magsisimba kasama ang pamilya.

Dapat kasama ang pamilya. Kung ako lang mag-isa, hindi mo ako mapapapunta sa Jollibee para kumain o magpalamig doon. Siguro ang bubuyog na ‘to talaga ang dahilan kung paano ko natutunang magsimba noon. Kung wala siguro ang pangako ng Jollibee sa bawat pagtatapos ng misa, hindi ako magtitiyagang manatili sa loob ng mainit na simbahan at makinig sa monologo ng paring wala naman talagang alam sa suliranin ng mundo.

Kung ilalarawan ko ang Jollibee sa yugtong ito ng aking buhay sa isang salita, ang salitang ‘yon ay ‘pamilya.’ Wala pa masyadong bisa sa akin ang salitang ito noon. Taken for granted, ika nga. Pero kapag naiisip ko ngayon, ang saya pala. Sayang at hindi ko lubusang ninamnam noon. Ngayon, kulang na kami, pero nariyan pa rin ang Jollibee.

Kasalukuyan. Talon sa ngayon. Matanda-tanda na. Maaari nang makulong. Maaari nang makabuntis. Nagtatrabaho. Kumikita nang kaunti. Pinipilit iangat ang pamilya sa kahirapan. Yumayaman ang Jollibee. Katulong ako ng bubuyog sa pagpapayaman niya. Bakit? Mas madalas na kasi akong kumain doon ngayon. Almusal, tanghalian, hapunan.

Wala na ang nanunuot na saya at pananabik na nararamdaman ko noong kindergarten sa tuwing maglalambing sa papa ko para ibili ng Jollibee. Sarili ko na ang nagbabayad sa pagkain ko. Sarili ko na rin ang niyayaya kong pumunta sa pulang bahay. Madalas mag-isa na lang ako. Wala na ang pamilya. Minsan may kaibigan. Minsan lang. Sa lagay ko kasing tinatamad magluto ng aking baon o kakainin sa araw-araw, Jollibee ang sagot.

Kung ilalarawan ko ang Jollibee sa ngayon sa isang salita lamang, ang salitang ‘yon ay ‘pantawid.’ Pantawid-gutom. Pantawid-stress. Pantawid sa katamarang magluto. Pantawid sa no-choice. Jollibee na lang. Nagbago na si Jollibee. Masaya pa rin ba? Oo, siguro. Dapat karugtong ang ‘siguro.’