Walang Pasok sa July 29

by Sankage Steno

Martes ‘yon, bwisit. Di pa natapat na Lunes para long weekend. Nakakainis. Mabibitin pa ‘yung tulog ko, tapos babawiin ko na lang Monday night, which is really stupid.

Bakit kamo? Kasi di naman talaga nababawi ‘yung tulog.

Once kinulang ka ng tulog, kulang na ‘yon magpakailanman. A time lost is lost forever. Tama ba? Basta, ‘yun na ‘yon. Kahit sabihin mo pang matutulog ka nang mahaba the next day, di mo pa rin mapupunan ‘yung nawalang tulog sa ‘yo nu’ng mga nakaraang gabi. Parang late lang ‘yan sa office e. Kahit mag-OT ka pa, di mo na maiaalis ‘yung late mo. Nasa record na ‘yon kahit magdagdag ka pa ng oras sa trabaho.

Kaya matulog na lang tayo kung kailangang matulog. Mas humihirap at dumadalang s’ya kasi kapag tumatanda. Pansin mo ba? Kapag nagtatrabaho ka na, madalas kang puyat, kumokonti oras mo sa pagtulog. At ‘pag lalo ka pang tumanda, lalo pa s’yang kokonti. Di ba ganu’n ‘yung mga lolo’t lola natin, mababaw ang tulog? Gising na agad sa madaling-araw? Ewan ko kung ba’t gano’n, basta napansin ko lang.

Pero feeling ko wala naman ‘yan sa haba ng tulog. Feeling ko nasa quality pa rin e. Minsan kasi, kahit matulog ako nang mahaba, ang sama pa rin ng pakiramdam ko paggising. Minsan naman, kahit 3 o 5 oras lang ako matulog, maganda ‘yung gising ko. Energized pa at ready to take on the day.

Ang tanong, pa’no ba nakakakuha ng quality sleep?

Hindi ko alam. Hindi ako sleep expert e. Siguro makiramdam na lang tayo. Kusa namang nagbibigay ng signal ‘yung katawan e. So kapag inantok, e di matulog na. Ganu’n lang siguro.

Minsan tuloy naiiisip ko, sa’n ba napupunta ‘yung mga oras na hindi ko itinulog? Umiikli ba life span ko sa tuwing magpupuyat ako at kukulangin sa tulog? Kaya ba sumasakit ‘yung ulo ko e dahil sa mababang quality ng aking sleep?

Kung bakit naman kasi ang hirap matulog. Nami-miss ko ‘yung kabataan kong nakakatulog nang mahimbing sa bus, tulo-laway pa minsan. Alam mo ‘yun, ‘yung masandal lang, tulog agad? Di ko na magawa ‘yun ngayon e. Bumabaw na ‘yung tulog ko. Sign of ageing siguro. Bwisit talaga. Tulad ngayon, gusto kong matulog para gumaling, pero di ko magawa. Kahit mahiga ako, gising na gising ‘yung diwa ko.

E kesa naman humiga lang ako at magpumilit matulog, eto na lang. At least medyo productive. Medyo therapeutic din naman for me ‘tong pagsusulat. Pwede na siguro ‘yong kapalit ng pagtulog ko dapat.

May bumabagabag lang sa isip ko: Dati kasi, nu’ng wala pang technology masyado, mahaba ang tulog ng mga sinaunang tao, pero ngayon, habang nagiging mas high-tech, mas bumibilis at “dumadali” ang lahat, pero mas kinukulang tayong mga tao sa tulog. Technology kaya ang dahilan kung ba’t hirap din akong matulog? Darating kaya ‘yung time na hindi na kakailanganing matulog ng mga tao dahil sa teknolohiya?

Katakot. Gusto ko lang namang matulog.