DAP

by Sankage Steno

Dalawang bagay na dapat malinaw sa atin sa isyu ng DAP: (1) Unconstitutional ito o labag sa saligang batas gaya nang napagdesisyunan ng Korte Suprema at (2) kaya may DAP ay dahil ginamit ng pangulo ang perang di nagastos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa mahahalagang proyekto nito.

Gusto ko ring idagdag ‘yung pangatlo—na iba ang DAP sa PDAF—pero mamaya na ‘to sa huli.

Ang tanong, mali ba si PNoy sa paggamit ng DAP?

Gaya nga ng sabi ng mga hukom, oo, nagkamali s’ya dahil wala sa kapangyarihan n’ya ang basta-basta na lang gumamit ng pera na mula sa kaban ng bayan. Kasi kung may ganu’n s’yang kapangyarihan, napakadaling abusuhin nito at gamitin ‘yung pera para patabain ang kanyang bulsa o ‘yung bulsa ng kanyang mga kaibigan at kapamilya.

Ginamit nga ba ni PNoy ‘yung DAP para sa sarili n’ya? In short, kinurakot ba n’ya ‘yung pera natin?

Hindi. Siguro ginamit n’ya ‘yung ibang pera as a political tool para labanan ang corruption, pero malinaw rin namang nagamit ang pera para sa mga makabuluhang proyektong nagpaunlad ng ating ekonomiya at nakatulong sa maraming Pilipino. Narito ang listahan ng pinagkagastusan ng DAP.

Kung unconstitutional ang DAP, dapat bang i-impeach si PNoy?

Hindi. Sinabi lang naman ng Korte Suprema na mali nga ‘yung mekanismo ng DAP dahil di ‘yon saklaw ng kapangyarihan ng pangulo, pero di ibig sabihin nito na sinadya ng pangulong labagin o suwayin ang batas para mapagana ang perang di nagastos ng pamahalaan.

Kung sa mabuting bagay napunta ang pera, e di wala talagang kasalanan si PNoy?

Meron pa rin. Maganda ang intensyon at maganda ang kinalabasan ng DAP, pero mali naman ang pamamaraan. The end does not justify the means. The road to hell is paved with good intentions. Parang si Robin Hood, mali ‘yung pamamaraan n’ya ng pagkuha ng pera sa mayayaman, kahit pa sabihing ginagamit n’ya ‘yung ninanakaw na pera para tulungan ang mahihirap.

So magnanakaw si PNoy?

Hindi.

At ito ang pagkakaiba ng isyu ng DAP sa PDAF. Oo, pareho silang galing sa pera nating mga Pilipino. Ang kaibahan, ‘yung PDAF na nakasaad sa batas na dapat sana ay para sa mga proyekto ng mga mambabatas para sa kani-kanilang nasasakupan pero ninakaw at napunta lang sa kanilang bulsa at sa bulsa ng kanilang mga kaibigan at pamilya.

‘Yung DAP naman, hindi malinaw kung sa’ng batas hinugot ni Butch Abad (sa 1987 Administrative Code daw, Sec. 39), pero nagamit naman talaga sa mga proyekto ng pamahalaan. In short, nakatulong talaga sa atin.

E di mag-resign na lang si PNoy para tapos ang gusot.

At sinong ipapalit natin, si Binay? Si Erap? Si Enrile? Walang matinong kapalit, o wala pa ‘kong nakikitang matinong kapalit. Sa tingin ko rin, lalong makakasama sa bansa kung aalis si PNoy sa pwesto dahil lalong madidiskaril ang maraming nakabinbing proyekto. Hihina rin ‘yung laban sa corruption na kanyang sinimulan mula nu’ng maupo s’ya sa pwesto.

Kung hindi n’yo napansin, ngayon lang tayo nakapagpakulong ng mga senador at ng dating pangulo. Ngayon lang din tayo nakapag-impeach ng chief justice. Ngayon lang din tayo nagkaroon ng investment grade. Hindi perpekto si PNoy, pero naniniwala akong mas lalala ang sitwasyon kung mawawala s’ya sa pwesto.

Ang nakikita kong solusyon dito ay: (1) payagan n’yang mag-resign si Abad at (2) gawing batas ang Freedom of Information.