Super Séance

by Sankage Steno

Nu’ng Lunes ng gabi, nagpunta ako sa isang kakilala na nag-aya sa ‘king mag-spirit quest. Gusto daw n’yang patunayan sa ‘kin na totoong may buhay after death. At dahil dala na rin ng curiosity, pumayag na ‘ko. Du’n kami nag-session sa apartment n’ya sa isang sulok ng Kalakhang Maynila. Syempre di ko pwede i-reveal ‘yung identity n’ya dahil wala namang approval n’ya ‘tong sinusulat ko.

Anyway, so andu’n na kami. Nagsindi s’ya ng dalawang puting kandila at inilagay loob ng nakaguhit na bilog sa sahig. Naupo kaming magkaharap sa isa’t isa at naghawak ng kamay. Awkward. Pero sabi n’ya, kahit ano daw mangyari, ‘wag daw akong bibitaw. ‘Pag daw me bumulong sa ‘kin o kumausap sa isip na kumalas o umalis sa kinalalagyan ko, ‘wag ko daw pakinggan. S’ya lang daw ‘yung papakinggan ko, ‘yung kakilala ko nga.

Start na. Pumikit ‘yung kasama ko, ako hinde. Pinapanood ko lang ‘yung ka-weirduhan n’ya, then naging weird nga s’ya. Para s’yang sinapian, ta’s parang hinipan ng hangin ‘yung kandila, pero wala naman talagang hangin. Feeling ko kagagawan ng kasama ko. Ang likot na kasi n’ya, parang may bulate sa puwet.

Ta’s bigla s’yang nagsalita.

Espiritista: Sino ka? Ba’t mo ‘ko tinawag?

Sankage Steno: (Dedma lang. Hindi ko sinagot.)

E: Sino ka sinabi? Ba’t ayaw mong sumagot?

SS: …

E: Hindi mo ba ‘ko nakikilala?

SS: …

E: Ako si Ferdinand Marcos.

SS: (Natawa ako nang mahina.)

E: Ano’ng nakakatawa? Hindi ka naniniwala?

SS: (Sa totoo lang, hindi ako naniniwala talaga, pero ayokong bumitaw dahil gusto kong mapanood kung hanggang sa’n hahantong ‘yung palabas na ‘to.)

E: Pinagtatawanan mo ‘ko? Ang pinakamagaling na pangulo ng bansa mo? Hindi mo ba alam na ako ang pinakamatalino at pinakamahusay na namuno sa Pilipinas? Lapastangan ka! Wala kang kwentang Pilipino. May pinag-aralan ka ba? Ang mga walang pinag-aralang tulad mo ang sanhi kung bakit naghihirap ang ating bansa.

SS: (Sa isip ko lang: A talaga? So ‘yung mga matatalinong tulad mo ang sagot sa kahirapan ng Pilipinas? E ke galing pala ‘no? Kaya pala sobrang yaman na natin ngayon. Ikaw pala ang sanhi. Bravo, Marcos. Good job. Oh, and by the way, UP grad din ako tulad mo.)

E: Hindi ka pa rin ba magsasalita? Pwes, makinig ka. Tutal naman at ayaw mong magsalita, ako na lang. Kung di mo nalalaman, napakarami kong naipatayo noong ako pa ang namumuno. Ako ang nagpatayo ng San Juanico Bridge; ako nagpagawa ng North Luzon Expressway; ako ang nagpatayo ng Cultural Center of the Philippines; ako ang nagpagawa ng…

SS: (Sa sobrang haba ng litanya n’ya sa kanyang mga accomplishment, medyo nakatulog ako. Alam mo ‘yun, ‘yung parang nagda-drive ka, ta’s di mo namalayang nakatulog ka pala bigla. Nalaman mo na lang na nabangga ka sa gilid ng daan o kaluluwa ka na lang pala. In my case, “nagising” na lang ako nang biglang nagbago ‘yung kasama kong espiritista.)

E: Macoy? My love, ikaw ba ‘yan?

SS: (Apparently, sinapian ng bagong kaluluwa ‘yung ka-holding hands ko. Bale dalawang kaluluwa na pala ‘yung nasa loob n’ya. Guess who kung sino ‘yung isa. Mula dito, E1 na ‘yung unang sumapi at E2 ‘yung pangalawang sumapi sa espiritista.)

E1: Meldy? Ikaw ba ‘yan?

E2: Macoy! I waited so long to be with you again, but I can’t die. I can’t die just yet. I don’t know why, my love.

E1: Meldy? How come you’re here? Patay ka na ba?

E2: No! No, Macoy. I’m still alive. I just let my soul fly from our house in Ilocos Norte. And now here I am. I felt your presence, that’s why I followed it and found myself here. This is just me doing some astral projection.

E1: Oh Meldy, that’s so wonderful. Hindi ako makapaniwalang mag-a-astral project ka just to reach me. Mahal na mahal mo talaga ako.

E2: Of course, my love. We are a match made in heaven. Wait, do you still remember our song?

E1: Syempre naman, mahal ko.

SS: (You wouldn’t believe it, pero sobrang talented nitong espiritista. Para talagang dalawang boses ‘yung kumakanta.)

E1 and E2Dahil sa ‘yo, nais kong mabuhay… Dahil sa ‘yo…

SS: (Tinapos nila ‘yung kanta. Wagas talaga sa kakornihan. Di ko alam kung pa’no ko natagalan ‘yun.)

E: Mahal? Nawala ka bigla? Meldy? I can’t feel your spirit anymore. Iniwan mo na ba ako? Meldy! May isa pa tayong kanta. Where did you go? Why did you leave without saying goodbye? Pa’no na ‘ko ngayon? I miss you so much, Meldy. You’re my life. You’re my everything! Gagawin ko ang lahat makita lang kitang muli. Ibibigay ko ang lahat ng kayamanan sa mundo sa ‘yo. Ibibigay ko ang araw, buwan at mga bituin. Uutang ako sa Diyos para lang mapasaya kita. Meldy! Mahal na mahal kita kaya kong ipagbili ang kaluluwa ko. Meldy!

SS: (This is getting so weird. Bumitaw na ‘ko.)

E: Aaahhh! Ang init! Ang init! No! Not yet! Please! ‘Wag mo mung akong paalisin! Ayoko sa mainit at sa madilim! ‘Wag po! ‘Wag! Mommy! Meldy! Help! Saklolo! Mga kababayan ko! Tulong! Ang init! Ang baho! Ang dilim! Please! Ayoko na! Di ko na po uulitin! No! Ayoko na! Aaahhh!

Lumabas na ‘ko ng apartment. Hanggang sa makalayo ako, dinig ko pa din ‘yung pagwawala ng espiritista. Wala na ‘kong pake. Andaming oras ko na ang nasayang. Hindi tuloy ako nakapag-blog nu’ng araw na ‘yon. Ngayon na lang kasi nag-text s’ya bigla, tinatanong kung ano daw nangyari sa ‘kin. Sabi ko na lang sa kanya, natatae ako kaya umuwi na agad. Kinagat naman ng loko kahit pwede namang sa kanila ako tumae. Ta’s tinanong n’ya pa ‘ko kung naniniwala na daw ba ‘ko sa life after death.

Sabi ko, oo, naniniwala na ‘ko. Pero mas naniniwala kako ako sa death after life.