E anong balak n’yo pagkatapos?

by Sankage Steno

Noong mga SONA ni GMA, pinipilit kong makinig sa mga sinasabi n’ya. Sa SONA ni PNoy, kusa. Di ko pinipilit ‘yung sarili ko. Gusto ko talagang pakinggan o makibalita. Partly e baka dahil na rin sa “maturity” ko at partly e dahil siguro suportado ko pa rin ‘yung pangulo natin kahit marami s’yang palpak na ginagawa lately.

Kahapon, seryoso, may kurot akong naramdaman sa speech ni PNoy. Natuwa ako sa mga accomplishment, na alam kong totoo naman kahit kulang pa rin, at natuwa ako dahil malinaw na naiparating sa ‘kin ‘yung mga gusto n’yang iparating. Ikumpara mo naman sa English speech ni GMA na medyo struggle pakinggan. So maybe that’s it—malaking factor ‘yung paggamit ng Mother Tongue.

But enough of linguistics. Punta ako sa isyu. Gusto ko ‘yung fact na di na n’ya masyadong pinasaringan ‘yung mga kaaway n’ya sa pulitika, like sina GMA o ‘yung tatlong senador na nakakulong ngayon dahil sa PDAF o kahit ‘yung Supreme Court. Okay sa ‘kin na nag-focus na lang s’ya sa mga nagawa ng administrasyon n’ya at sa mga dapat pa nitong gawin sa halos 700 days na natitira pa sa kanyang pamumuno.

DAP

Sa isyu ng DAP, sang-ayon akong marami ngang natulungan ‘to. Ang kaso lang, sabi ng SC, hindi s’ya sang-ayon sa saligang batas. Kung ayaw respetuhin ng pangulo natin ‘yon, malaking gulo. Kasi kung mismong pangulo ng bansa ang ayaw sumunod sa utos ng Korte Suprema, sino pa sa tingin mo ang susunod sa iba pang desisyon nito? Kaya malaking gulo ‘yung ginagawa ni PNoy na pakikipag-away ngayon sa co-equal branch ng gobyerno.

On a more positive note, totoo ‘yung sinabi n’yang nabalik na kahit papa’no ‘yung tiwala ng mga tao sa gobyerno. I mean, kumpara sa mga nagdaang administrasyon, di hamak naman na mas pabor ‘yung nakararaming Pilipino ngayon sa ginagawa ng pamahalaan kahit pa nababahiran ng pulitika at mga kakitiran ng utak. At least kasi, may nagagawa, at may nagagawa talaga. Ibig sabihin, ‘yung tax na binabayad natin, somehow, napupunta sa dapat nitong puntahan—hindi sa bulsa ng mga hinayupak na pulitiko.

Impeach

Para naman sa mga humihiling na mapatalsik si PNoy, ang tanong ko: Anong mangyayari after? Anong plano n’yo? Magaling lang kayong mag-ingay e. Inaamin ko, mahusay kayong magsalita at magtanggol sa inyong paniniwala, pero hanggang du’n lang. Hanggang rant at reklamo lang kayo. Okay sana kung may nakahain kayong plano kung sakaling matanggal nga ‘yung pangulo natin, e kaso wala. Lahat na lang ng maupo, basta makitaan ng mali, gusto n’yong mawala agad. I think that’s very critical of you at medyo tanga rin. (O ako ba ang tanga at di ko nakikita ‘yung gusto nilang mangyari?)

Sige, given na mali si PNoy sa DAP at sa marami pang isyu, anong gagawin natin ngayon kapag natanggal s’ya? To begin with, sapat bang ground ‘yon para patalsikin s’ya? At sino ang ipalit? Anong gagawin natin sa mga nakabinbin na proyekto? Pa’no na ‘yung political capital ni PNoy na ginagamit n’ya para ipakulong ‘yung mga kurakot? Ang nakikita ko kasi, wala kayong malinaw na aksyon pagkatapos masunod ‘yung gusto n’yo. ‘Yun ang problema.

Sinong papalit?

At konektado ‘to sa 2016 na binanggit din ng pangulo. Somehow, na-feel kong medyo nag-aalangan s’ya dahil wala pang malinaw na papalit sa kanya at magtutuloy ng kanyang mga ginawa. Si Roxas? Nope. Not really sure sa magagawa n’ya. And definitely not Binay, lalo pa ngayong may plunder case laban sa kanya. Kung si Poe naman, masyado pang bagito sa pulitika. Although kung record ang pag-uusapan, of course, s’ya ang pinakamalinis.

Hindi ‘to dapat maging choice sa pagitan ng evil at lesser evil. Tingin ko, after ng DAP at PDAF, mas matalino na ‘yung mga Pilipino ngayon pagdating sa pagpapatakbo ng bansa. Ewan ko lang kung mas matalino na rin ‘yung mga pulitiko para makaisip ng ibang paraan para lokohin tayo. We need more power as a people. I think FOI will level us up.