Suggested Itinerary for Pope Francis

by Sankage Steno

Confirmed. May date na kung kelan pupunta sa Pilipinas ‘yung santo papa, ‘yung lider ng mga Katoliko, ‘yung successor ni St. Peter. Sa Jan. 15-19, 2015 s’ya andito sa bansa natin. Sana lang hindi maging matrapik gaya nu’ng nangyari sa anniversay ng INC. Jusme. Nakakalurks talaga ‘tong mga religious event na ‘to.

Anyway, dahil limang araw si Pope Francis dito, umisip na ‘ko ng mga pwede n’yang puntahan at gawin. Kung sa tingin mo e kulang o pangit ‘yung nagawa ko, comment ka lang o kaya batikusin mo ‘ko, basta ‘wag mo lang akong ipapapatay through riding in tandem. Ayoko nu’n.

Pope’s Itinerary

Jan. 15

Upon arrival: Go straight to CBCP in Intramuros para pangaralan ‘yung mga obispong makikitid ang utak at hindi nakakaintindi sa turo ni Jesus Christ.

After CBCP visit, go to Smokey Mountain – Dito s’ya magdi-dinner with the poorest of the poor, preferably kasama ‘yung mga obispo. Dito na rin s’ya matutulog kasama ang isang pamilyang binubuo ng 21 anak.

Jan. 16

7am – Holy Mass sa Quirino Grandstand.

9am – Sa ilalim ng LRT station sa United Nations: para kumain ng fishball, banana cue, kwek-kwek at iba pang street food with the masses.

10am – Trip to Quiapo: Kakamustahin ‘yung mga nagbebenta ng pampalaglag at ‘yung mga nagpapahula roon. Magtutulis ng kandila para sa mga biktima ng abortion. Makikipag-selfie sa mga parokyano roon.

12nn – Lunch sa Binondo. Dadalaw sa isang Buddhist temple para makipag-tsaa sa mga monks pagkatapos ng lunch.

3pm – Pasig River cruise

5pm – Manila Bay: Sunset watching kasama ‘yung mga taong grasa at illegal vendors.

7pm – Dinner sa Kamayan; Socials (kasama ‘yung cooks and waiters) then videoke night sa pinakamalapit na bar; then rest sa Manila Hotel.

Jan. 17

8am – UST, kasi naka-set na daw. Pangangaralan n’ya ‘yung mga rector na mukhang pera at kurakot.

12nn – Malacanang courtesy call and lunch. Pasasalamatan n’ya si PNoy for signing the Reproductive Health Law.

2pm – Bonding with the PSG sa gilid ng Ilog Pasig. Suggested activities: janitor fishing, chess (without the bishops), basketball.

4pm – NAIA Terminal 3; flight to Tacloban, Leyte. Du’n s’ya matutulog sa isa sa mga pinagawang bunk houses ng gobyerno.

Jan. 18

8am – Holy Mass sa relocation site sa Tacloban.

10am – City tour; blessing ng mga namatay.

12nn – Lunch and socials kasama ‘yung mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

4pm – Airport; flight back to Manila.

Jan. 19

8am – Manila Cathedral; Holy Mass, private meeting with Cardinal Tagle.

12nn – Lunch with illegal settlers, pedicab drivers, rugby boys and young, unwed mothers in Intramuros.

3pm – NAIA Terminal 1; flight back to Vatican.