Buti bumalik ako

by Sankage Steno

Meron akong isang childhood memory na kapag naaalala ko, talagang nagki-cringe ako. (Ano ba sa Tagalog ‘yung ‘cringe’?). As in talagang natatakot pa din ako and, at the same time, thankful dahil di ako napuruhan.

Bale naglalaro ako sa labas ng bahay namin, tanghali ‘yon. Nakatakas yata ulit ako sa bahay kasi ayokong matulog. Ta’s me kalaro akong mas matanda sa ‘ken na nagpapaputok. ‘Yung paputok n’ya e hindi na uso ngayon. Di ko na nakikita. Bale stick s’ya na may balahibo sa taas at may bakal sa ibaba na du’n kinakabit ‘yung pulbura. Ta’s ihahagis mo s’ya sa ere, at ‘pag lagpak nu’ng bakal sa lupa, saka s’ya puputok.

So habang nagpapaputok ‘yung kalaro ko, ako naman e paikot-ikot lang sa kalsada. Parang baliw na kunwari lumilipad, ganyan. E saktong paghagis ng kasama ko nu’ng stick na paputok, s’yang ikot ko naman du’n sa babagsakan ng paputok. Buti na lang, swerteng nakabalik ako agad du’n sa lugar bago ako umikot. Ramdam ko pa ‘yung balahibo sa stick na dumaan sa tenga ko bago pumutok sa gilid ng paa ko. Mga isang pulgada lang ang layo.

Kung sa paa ko ‘yun tumama, siguradong  lumpo ako. Kung sa ulo naman, siguradong multo na ‘ko.

Umiyak ako syempre. Muntik na ‘kong maputukan e. At simula no’n, naniwala na ‘ko sa  guardian angel, kasi feeling ko s’ya ‘yung nagtulak sa ‘kin pabalik para di ako tamaan ng paputok. Katakot lang. Sabi ko nga, ‘pag naaalala ko, tulad ngayon, nagki-cringe pa rin ako. Pero mas nananaig ‘yung relief na buhay pa rin ako.

Ganu’n din ‘yung relief (at saya) na naramdaman (at nararamdaman) ko nu’ng magdesisyon akong bumalik sa pagtuturo. Maraming beses na kasi akong umalis sa mga trabahong gusto ko talagang ginagawa. Marami ring dahilan kung bakit, pero madalas dahil maliit ‘yung sweldo nila at hindi maganda ‘yung palakad. Bale parang naaabuso na ‘ko as a worker, gano’n.

This time, I made a stupid choice. Marami akong sinuway para balikan ‘yung pagtuturo, and I’m sure I’ll reap the consequences of my actions in the future. Nakikinita ko nang hindi ‘yon maganda. Pero saka ko na iintindihin ‘yon kapag andu’n na ‘ko sa sitwasyong ‘yon. Ang mahalaga sa ngayon, masaya talaga ‘ko dahil ginagawa ko na ulit ‘yung bagay na gusto ko.

Oo, maliit pa rin ang sweldo (Actually, wala pa nga.), nakakapagod pa rin at nakaka-stress, pero kebs na lang. Ito ‘yung pagod at stress na gusto ko, na nae-enjoy ko. Ito ‘yung sweldo na kaya kong tiisin. Kasi gusto ko ‘yung ginagawa ko. Bonus na lang ‘yung moments na ang sasaya ng mukha nu’ng mga co-teachers ko nu’ng makita nila ulit ako (Winner talaga) at ‘yung makukulit (in a fun and positive way) na mga estudyante ko. Sobrang enjoy turuan at kakwentuhan, pramis.

Sabi nga nu’ng isa kong co-teacher, at least may “intellectual break” ako mula sa ‘king day job. Ang sa akin naman, at least masaya na ulit ako sa ginagawa ko.