kung

by Sankage Steno

90 degrees pakaliwa, andu’n s’ya. Nakaupo sa sarili n’yang cubicle, busy-busyhan sa kanyang trabaho. Andito ako, mga pitong metro ang layo sa kanya, nasa sarili kong cubicle at sinasabunutan ‘yung mga brain cells para magpalabas ng mumunting talinong gagamitin ko sa trabaho. Araw-araw ‘yan.

‘Pag nabuburyong na ‘ko, pipihit lang ako pakaliwa, makikita ko na s’ya. Hindi naman n’ya tinatanggal ‘yung stress ko, pero ‘pag nakikita ko s’ya, parang okay lang ma-stress. Mas katanggap-tanggap s’ya sa buhay kong boring. Ta’s no’n, haharap ulit ako sa computer ko at mawawala na s’ya sa aking paningin. Human charger ko s’ya.

Paborito ko ‘yung CR break sa trabaho. Wala kasi akong ibang choice kundi dumaan sa harap n’ya. Sa malayo, nakatitig ako, pero ‘pag malapit na ‘ko sa pwesto n’ya, kusang yumuyuko ‘yung ulo ko. Di ako makatingin sa kanya nang diretso. Umaasa na lang ako na magsi-CR din s’ya para makasabay ko man lang sa paglakad. Baka makapag-usap pa kami kahit papa’no.

Minsan nagkakasalubong kami, pero di ako nakakangiti. Ewan ko ba. Anlakas ng hiya ko ‘pag s’ya ‘yung nand’yan. Hindi naman talaga ako ganito kamahiyain. Ang kapal kaya ng apog ko. Pagdating sa kanya, wala, minumumog ko bigla ‘yung kumpyansa ko sa sarili, at nalulunok ko s’ya.

Taragis lang.

Katulad kanina, kakagaling lang n’ya sa CR, ako naman papunta pa lang. Heaven. Nagsalubong ‘yung tingin namin. May pilit na ngiti sa labi n’ya. Ako? Ayun, simangot. Akala ko nakangiti na ‘ko, pero pagpasok ko sa CR, pagtingin ko sa salamin, di pala. Ganu’n pa rin pala ‘yung expression sa muka ko. Ba’t gano’n? Di naman ako nagpapa-botox pa. Ba’t di ako makangiti… lalo ‘pag and’yan s’ya?

Labo.

Kaya araw-araw talaga pumoporma ako e para lang mapansin n’ya. Feeling ko naman effective. Ang kaso lang, wala talagang chance na magkausap kami. Nasa ibang department s’ya, sobrang busy sa department ko. Ihi lang ang pahinga… saka dighay o utot na patago, ‘yung walang tunog. Ta’s kung lunch naman, nauuna s’ya lagi. 11am s’ya bumababa, ako ala una pa. Mas maaga kasi ng isang oras ‘yung pasok n’ya. Di naman ako makasabay kasi nga sobrang busy.

Lintik na trabaho, panira talaga ng buhay pag-ibig. Pag-ibig talaga? Ba’t ba? Walang basagan ng trip. Minsan na nga lang ako kiligin, kokontrahin pa. ‘Wag ganu’n. Dapat nagdadamayan tayong mga single. Or maybe not. Da’t ba naglalaban-laban tayo? Well, muka namang wala akong kakumpetensya dito sa trabaho. Kung meron man, humanda na s’yang malampaso at kumain ng sanitized alikabok sa office. Makikita n’ya kung ba’t ako naging Sankage.

Pero pagpapraktisan ko munang ngumiti nang hindi mukang na-botox ‘yung face.