Unang siga sa UP

by Sankage Steno

Ang puso ko’y nagagalak sa muling pagkapanalo ng Unibersidad ng Pilipinas sa UAAP basketball noong Sabado matapos ang dalawang taong puro talo. Hindi ko man natunghayan ang laban dahil ako ay nakatulog sa sobrang pagod, madali namang umabot sa akin ang balita. Tunay ngang may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.

Ikinalulungkot ko namang hindi ako nakasama sa pagdiriwang na nangyari noong Sabado ng gabi sa UP Sunken Garden. Ito pa naman sana ang aking unang siga sa loob ng pamantasan kong pinagtapusan. Ganoon na lamang ang aking panghihinayang nang makita ang masasayang mukha ng mga Isko at Iska sa mga larawang naipaskil ng mga kakilala at kaibigan ko sa panlipunang midya tulad ng Facebook at Twitter.

Anong tamis at anong pait nitong aking nadarama sa dalawang pangyayari nitong nagdaang Sabado. Gayon pa man, mas nananaig ang aking kaligayahan sa pambihirang panalong ito. Sa wari ko ay tila nakamit na ng UP kong mahal ang inaasam-asam nitong kampeonato sa nasabing palakasan. Hindi pa kasi ako ipinapanganak nang unang makamit ito ng unibersidad. Kaya naman taimtim akong nananalanging sana ay maranasan ko ang kampeonato sa buhay na ito.

Sa mga taong kumukutya sa UP dahil sa pagdaraos nito ng siga para lamang sa isang panalo, naiintindihan ko kayo. Naiintindihan kong wala kayo sa aming kalagayan kaya hindi ninyo alam kung gaano kalaki para sa amin ang panalong ito. Naiintindihan kong ang tala, kapag nagniningning, lalong napapansin; at ang punong hitik sa bunga, laging pinupukol.

Naiintidihan kong karapatan ninyo ang magpahayag ng saloobin (at karapatan din naming magdiwang sa maliliit o malalaking panalo sa buhay). Naiintindihan kong lahat ng gamu-gamo ay likas na naaakit sa apoy; anong saklap na lamang para sa mga gamu-gamong tagalabas ang hindi makalapit sa siga?

At bakit hindi ninyo makuhang pagbigyan ang mababaw naming kaligayahan? Hindi ba ninyo naisip na baka hindi na ito maulit? O kung maulit man, baka bumilang muli kami ng panibagong dalawang taon? Kayong mga kumukutya, di ba ninyo alam na bilog ang bola? Sa pagkakataong ito, kami ang nasa taas. Anong ipinuputok ng butsi ninyo ngayon?

Sabi nga ni Noel Cabangon sa awit niyang Kanlungan, “pana-panahon ang pagkakataon.” Sa kabutihang-palad, mistulang naibalik ng aming mga manlalaro ang kahapong bumilang ng kulang tatlong dekada, katumbas ng isang salinlahi. Ngayon pa ba ninyo kami pagdadamutan? Hindi ko tuloy mawaglit sa aking haraya ang mga talangkang pilit kumakawala sa loob ng buslo.

Sa kabilang panig, ikinalulugod ko naman ang bukal na pagtangkilik ng ibang tagalabas sa panalong ito ng UP. Gusto ko kayong kilalanin at pasalamatan, sapagkat kayo ang kumakatawan sa tunay na diwa ng mga palakasan. Nakakataba ng puso ang inyong pakikiisa at taos-pusong mga pagbati.

At para sa ating mga Isko at Iska, ituloy lang ang yabang. Alam naman nating kahit talo tayo, hindi nababawasan ang ating kayabangan.