Dumugo ilong ko sa Pinocchio

by Sankage Steno

Tatlong musicals na ang napanood ko ngayong taon. Una, ‘yung Wicked sa Cultural Center of the Philippines, ta’s ‘yung Priscilla sa Newport Performing Arts Theater, at ‘yung huli, Pinocchio, kagabi lang sa Greenbelt 1. (Gusto ko pa sanang manood ng Rak of Aegis at Rabbit Hole, kaso said na said na talaga ‘yung wallet ko.)

Special preview ‘yung kagabi for the press and bloggers, at medyo short notice ‘yung nangyari kaya di ako nakapagsuot ng maganda-ganda, maganda lang. Or not. Timely rin s’ya kasi sobrang toxic sa trabaho, andaming pinapagawa, ta’s namatay pa si Robin Williams, kaya medyo pangit ‘yung mood ko kahapon. Buti na lang talaga at nabawi ng Pinocchio.

In fainess sa kanya, kahit s’ya ‘yung pinakamaliit ang production at budget kumpara sa ibang musicals na napanood ko, hindi naman nagkulang sa talent. Kayang-kayang makipagsabayan ng mga actors natin sa West End o Broadway. I mean, marami talagang Pinoy na talented at artistic. And I’m not only talking about the senior actors. Pati ‘yung mga bata, sobrang gagaling.

Especially kagabi, pinakilala kasi ‘yung anim na magsisiganap bilang Pinocchio: sina Noel Comia, Albert Silos, Andee Achacoso, Guido Gatmaytan, Daniel Drilon at Sofia Wong.

Obviously, kaya nilang lahat kumanta at umarte, pero mas bumilib ako sa tapang ng apog nilang mag-perform sa stage, sa harap ng maraming tao. In fact, ilan sa kanila e nakapag-perform na rin sa ibang mas malaking play, like The King and I sa Newport.

Hindi ko kasi nagawa ‘yun nu’ng bata pa ‘ko. Sobrang mahiyain kasi ako. (Oo, pramis, maniwala ka. Di lang halata masyado.) Ngayon-ngayon na lang ako medyo kinakapalan ng mukha. Sabi ko nga nu’ng open forum after ng play, sobrang naiinggit ako sa kanila (young actors) kasi di ko nagawa nu’ng kabataan ko ‘yung ginagawa nila ngayon.

Nagpataba lang ako noon saka nagpakalabo ng mata sa computer games. (Wala naman akong regrets. Ang saya kaya.)

Bukod sa hindi ako talented katulad nila (nasa ibang lugar ‘yung talento ko) at mahiyain, hirap din akong pagsabayin ‘yung maraming tasks and responsibilities. Kasi ba naman, isipin mo, ‘yung mga batang ‘to, bukod sa pagtatanghal e mga full-time students din. ‘Yung apat sa kanila e sa “conventional” school pumapasok habang ‘yung dalawa e home-schooled.

Sabi ko tuloy, sana home-schooled din ako. Pero biro lang ‘yon syempre. Pa-cute ko lang. Masaya naman ako sa kabataan ko at sa paaralang pinasukan ko. Andami ko kayang nakilala at naging kaibigan na hanggang ngayon e kaibigan ko pa rin. ‘Yun nga lang, hindi ako katulad nu’ng dalawang Pinocchio actors na maraming free time to do extra curricular stuff… like performing on stage!

Isa pa, bilib din ako sa pagiging candid nila. Well, bata, of course. More than that, medyo napanganga ako sa tatas nilang mag-Inggles. As in para akong nanonood ng Harry Potter. Medyo effort sa Tagalog kong utak ‘yung pag-intindi. Muntik na nga akong maglabas ng tissue e. Buti nasahod naman ng daliri ko. Pinahid ko na lang sa katabi ko.

Basta ang galing nilang sumagot in English, which led me to quip, “Sanay ba kayong mag-Tagalog?”

Alam mo sagot nila?

“Of course!”

English pa rin. Pero, at least, naintindihan nila ako. Hopefully, balang araw, mapanood ko sila sa isang original Pinoy play, ‘yung hindi naman hiram sa Kanluran. At sana rin sa wikang Tagalog o Filipino para mas maraming Pinoy ang makatangkilik. Mungkahi ko lang sa Repertory Philippines na gawing play ‘yung ilang mga alamat natin o kwentong-bayan. Marami namang magaling na playwright d’yan.

Sabi ko nga, di tayo nagkukulang sa talentadong Pilipino.

Pinocchio-Poster-(web)