Na naman

by Sankage Steno

Dalawang taon na pala ‘tong blog ko. Andami ko nang naging haters at non-believers dahil dito, and for that, I’m truly thankful. Kundi dahil sa mga troll at sa mga gustong bumasag sa mukha ko, hindi sisikat ‘tong blog ko.

Yes, sikat talaga?

Hindi ko tuloy alam kung sino na sa ‘min ngayon ang mas sikat: Ako ba na nagsusulat o ‘yung blog kong may pangalang Sankage Steno? Magkaiba ba kami ng persona o iisa lang? ‘Yung katauhan ko ba ‘yung sikat o ‘yung nilalaman lang ng mga sinusulat ko? Kung makapagtanong naman ako nang pa-deep, sikat ba talaga ako to begin with?

‘Yung mga tanong na ‘to e hindi nangangailangan ng sagot; the same way na hindi naman kailangang sagutin kung kelan ako magkaka-lovelife o kung kelan matatapos ‘yung Please Be Careful With My Heart. Minsan, kailangan mo lang magtanong. Di na mahalaga ‘yung sagot. Wala akong sense sa paragraph na ‘to kaya let’s move on to the next paragraph after these two words.

Asababgap as tamalas, yu.

May ishe-share ako. Alam mo ba, pinag-iisipan ko na talagang tumigil sa pagsusulat dito, kasi di naman ako kumikita. Ang inaani ko lang e mga useless na papuri saka sangkaterbang panlalait at threats. Minsan nga inisip ko na ring magpakamatay dahil sa mga nababasa kong masasakit na comment sa ‘kin. Binigyan ko na nga sila ng mababasa, ta’s pinayagan ko nang mag-comment, gusto pa nila akong saktan? Ang harsh-harsh.

Charot.

As if naman nagpapaapekto ako sa mga troll at threat. Magpapaapekto lang ako kung willing kang makipag-date sa ‘kin at makipag-ano… ‘yung… ‘lam mo na. Syempre ‘pag nangyari ‘yon, kahit ano pang sabihin mo sa ‘kin dito, affected ako. I will hold it against me. Kasi kung di ako magpapaapekto, ibig sabihin, wala lang s’ya sa ‘kin. Irrele. Utot lang. Basta mailabas, solb. E ba’t napunta ako sa usapang ‘to? Sabaw na naman ‘yung utak ko.

Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na genre o theme ‘yung blog ko, kaya ‘pag tinatanong ako kung tungkol sa’n ‘yung blog ko, sinasabi ko na lang na personal blog o blog para sa mga galit ko sa universe, which is not always true naman. Kasi di lang naman rancor o agony ang laman nito; meron din namang kapupulutan ng aral, like kung pa’no maging maarte magsalita at kung pa’no bali-baliin ‘yung grammar at spelling na pinag-aralan natin ng dalawang dekada sa school.

Kaya ang plano ko para sa simula ng ikatlo kong taon ng pagsusulat dito, lalo ko pang lalabuan. E ganu’n talaga. (Motto ko nga pala ‘yan sa blog ko; tingnan mo sa taas, nakasulat ‘yan.) So kung nag-e-expect kang mas magiging maganda o specific o nakakatawa ‘yung blog ko, masasaktan ka lang. ‘Wag ka kasing asa nang asa. Sa love life lang ‘yun applicable.

At, nga pala, open po ako sa (blind) date. Masabi lang.