Kahit sa panaginip

by Sankage Steno

Mas out-of-this-world ‘yung panaginip ko nu’ng Sabado-Linggo kesa ‘yung sa kanina, pero mas blog-friendly ‘yung kanina kaya ‘yun na lang ang ikukwento ko. Isa pa, mas kumpleto ‘yon sa detalye. Weird nga e, sobrang naaalala ko pa rin. Di naman s’ya tungkol sa sex. Weird talaga.

Dalawang kwento s’ya. ‘Yung una, kumakain ako sa isang karinderya sa isang barangay na hindi ko alam kung sa’n. Basta tipikal s’yang barangay sa Pilipinas. ‘Yung karaniwang pinupuntahan ng Eat Bulaga sa portion nilang Juan for All, All for Juan.

Maggagabi na no’n, before 6pm. Sarap na sarap pa ‘ko sa pagkain ko, ta’s bigla na lang sinabihan ako ng tinderang magsasara na sila. Tatlo silang babae, magaganda at mukha namang mabait. Hindi ko maintindihan kung ba’t magsasara na sila, pero tumayo naman ako at nag-akmang aalis na. Ta’s bigla na lang akong nakaramdam ng takot.

Pagkasara nila ng tabing du’n sa karinderya, nginitian pa ‘ko nu’ng isa sa tatlong babae. Nakita ko na lang na nagbago ‘yung mukha n’ya. To cut it short, aswang ‘yung tatlo at gusto yata nila akong kainin. Ewan ko ha, pero nanlaban ako. Syempre, di naman ako magpapakain na lang basta-basta. Kaya sa halip na tumakbo, sinugod ko ‘yung mga babae sa loob ng bahay nila.

May inabot akong matalim na bagay (pero di s’ya kutsilyo), ta’s pinagsasaksak ko silang lahat. Napatumba ko ‘yung dalawa, pero buhay pa rin ‘yung isa. Pinapatamaan ko s’ya sa puso. Saksak ako nang saksak sa dibdib n’ya pero di ko s’ya mapatay. Ta’s di ko na maalala ‘yung sumunod na nangyari. Nagising ata ako.

‘Yung sumunod namang panaginip e kidnapping case. Merong isang batang babae na pinoprotektahan ko mula sa isang kidnapper. Bale balak s’yang dakpin ng isang lalakeng di ko kilala. Di ko rin alam kung ba’t gusto n’yang kunin ‘yung bata. Sa panaginip, pakiramdam ko pulis ako o sundalo, at di ko maintindihan kung ba’t gano’n ako ka-protective sa batang babae.

Again, to cut the story short, na-kidnap ‘yung bata. Ang ginawa ko, hinabol ko ‘yung sasakyan ng kidnapper. Tumatakbo lang ako, pero parang ambilis ko kasi di nakakalayo nang sobra ‘yung sasakyan. Sinabihan ko ‘yung mga kasama kong sundan din ‘yung sasakyan.

Hanggang sa naabutan ko ‘yung kotse. Di ko alam kung pa’no pero andun na lang ako bigla. Napatay ko ‘yung kidnapper at nailigtas ‘yung bata. Inuwi ko s’ya sa kanila at, ayun, mission accomplished.

Pero di pa tapos ‘yung panaginip ko. Parang lumipas ‘yung isang araw, o isang linggo, basta. At nabalitaan ko na lang (may nagsabi yata sa ‘kin) na ‘yung batang nailigtas ko mula sa kidnapper e namatay dahil sa isang malubhang karamdaman. Nagising ako bigla. Naapektuhan ako kasi ang lungkot ko pagdilat; di ko naman kilala talaga ‘yung bata. Pakiramdam ko ang laki nu’ng nawala at nasayang sa ‘kin.

Meron bang psychologist o dream expert sa inyo d’yan? Given only these stories in my dream, anong interpretasyon n’yo? Meron akong sariling interpretation using other factors involved in my life right now, pero gusto kong malaman ‘yung pagkakaintindi ng isang outsider na walang alam sa talagang nangyayari sa buhay ko. (Fine, kahit di ka expert, let me know your interpretation).