Mga Kuwentong Barbero

by Sankage Steno

Kung papatulan ko ‘yung isang meme sa Facebook na “The last movie you watched is now your life story,” e di isa na ‘kong rebelde ngayon. Kasapi na siguro ako ng New People’s Army.

Pinanood ko kasi kahapon sa SM Megamall ‘yung Barber’s Tales ni Jun Robles Lana (writer and director). Ang ganda lang. Andami n’yang feels, tsaka pakiramdam ko pagkatapos, sulit na sulit ‘yung P200 na binayad ko. Parang kulang pa nga e. Pumalakpak na lang ako kasama ng ilang nanood ng sine pagkatapos ng palabas.

Hindi ako pumapalakpak madalas sa pelikula. Ang huli kong pinalakpakan e ‘yung Norte ni Lav Diaz.

Hindi ko ikukwento ‘yung Barber’s Tales pero sasabihin kong ang galing talaga ni Eugene Domingong umarte. At, in fairness, magagaling din ‘yung mga support sa kanya like Gladys Reyes, Iza Calzado, Daniel Fernando, etc. Basta, wala akong itulak-kabigin. Kapag seryoso, seryoso rin ako. Kapag funny, natatawa talaga ako, kapag drama, masakit sa dibdib. Panalo.

Mahusay din ‘yung pagkakasulat at pagkakadirek ni Jun Lana. Well, Palanca awardee, no less, so expected na ‘yon. Pero kailangan pa ring i-acknowledge dahil magaling talaga. Sana lang ganu’n din kagaganda ‘yung mga pinapakita n’ya sa primetime shows ng GMA7.

Ang nagustuhan ko sa pelikulang ‘to, maliban sa sobrang convincing na pagganap ni Eugene at ‘yung mga sundot na jokes, e ‘yung kung pa’no hinabi ‘yung kwento. Biruin mo, barbero ta’s napunta sa Martial Law, ta’s syempre NPA. Pero di s’ya ‘yung movie na sobrang political o historical. Kasi kung gano’n ‘yung treatment, makakatulugan ko s’ya. Pero iba ‘to e, solid talaga.

Este fluid pala. Fluid ‘yung kwento. Ang gaan at ang ganda ng daloy from one chapter to the next. Para akong nagbasa ng magandang libro in one sitting. Sa sobrang ganda, di ko mabitawan at di ko namamalayan ‘yung oras.

Ang isa pang nagustuhan ko sa Barber’s Tales, kahit di ko namalayan ‘yung oras, di naman ako nabitin o nabwisit sa ending. Tumatak s’ya talaga sa ‘kin, ta’s me konting bigat, me konting saya, me konting lungkot at me konting pag-asa. Medyo nakakataba rin ng puso. Lumabas ako ng sinehang iniisip s’ya hanggang sa pag-uwi, hanggang sa matulog ako, at hanggang sa ngayon.

Hindi s’ya mabigat, hindi s’ya magaan, tamang-tama lang. Kung papipiliin ako ng panonoorin ko ulit between TransformersLucyGuardians of the GalaxyBarber’s Tales, pipiliin ko ‘yung Guardians at Barber’s.

Pero uulitin ko lang ‘yung Guardians kung libre. ‘Yung Barber’s Tales, uulitin kong panoorin kahit magbayad na naman ako ng P200. Ang ganda kasi e.