Aym owsam

by Sankage Steno

Naku, sayang, di mo ‘ko napanood sa Bistro Alfonso sa Makati nu’ng isang linggo. Nag-inuman kasi kami du’n nu’ng mga katrabaho ko. E ‘pag Friday pala e me live band. Nagkataon naman na konti lang ‘yung mga tao kasi long weekend, nagsiuwian na ‘yung karamihan sa probinsya. So, isa lang ibig sabihin no’n…

Konti kalaban sa jamming!

Syempre, gaya ng karamihang Pinoy, game ako sa kantahan. Pero, gaya rin ng karamihang Pinoy, medyo pakipot pa nu’ng una. Kunwari aayaw-ayaw pero gusto naman talaga. Pakipot. Parang ‘yung pinopormahan ko noon. Ayun, tinigilan ko na paglandi sa kanya. Sobrang pakipot e, kala mo kung sinong drop-dead gorgeous. Yes, bitter?

Mabalik ako sa jamming with the live band. Huli yata akong nakipagkantahan nang live e nu’ng nagpunta ako ng Boracay last January, du’n sa 2Go, ‘yung barko. E di masyadong maganda ‘yung performance ko du’n. Garalgal ‘yung boses ko dahil sa pagyoyosi. Ayun, I’m not so proud of that night, pero sobrang masaya ako. As in! And that’s another blog entry.

This time, hindi ko sinira ‘yung vocal cords ko. Well, fine, siguro konti lang, pero hindi ako nagpausok, pramis. Tanong mo man du’n sa bartender o du’n sa waiter. Kala mo kasi nagsisinungaling ako lagi e. Di ako ganu’n. ‘Yung ex ko lang ang gano’n.

Tae, ba’t ba laging nalilihis ‘tong topic ko?

Pili lang ‘yung kinakanta ko kapag live. Iilang kanta lang kasi ‘yung talagang kabisado ko. What? May lyrics naman kamo ‘yung singer? Oo, pero di lahat ng gusto kong kanta meron sila. Madalas wala. What again? Oo, Singing Bee champion nga ako, pero di naman ibig sabihin no’n e kabisado ko na lahat ng kanta sa mundo. ‘Wag kang hibang, okay?

So pinauna ko munang pakantahin ‘yung nasa kabilang table saka ‘yung isa kong katrabahong babae. Kasi kung mas maganda boses nila, di na ‘ko kakanta. Mahirap kayang sundan ‘yung magaling talaga. E ako naman, magaling lang ako sa videoke at sa banyo. Anyway, ako ‘yung pangatlong kumanta. Nagprisinta na talaga ako. Ayoko kasing matapos ‘yung gabi na hindi ako nakakapagpasikat. No!

Tamang-tama din naman kasi medyo me amats na ‘ko. Bago pumunta sa harap at sumabak sa concert, lumagok pa muna ‘ko ng beer. Solb!

‘Yung kinanta ko sa 2Go ang kinanta ko this time. Paborito ko ‘yun ‘pag live kasi alam lahat ng kaedaran ko, saka ‘yun talaga ‘yung madalas kantahin kapag lasing na. Nope, not My Way. Tagalog s’ya. Originally sung by Orient Pearl na ni-revive ng Aegis at ni Daniel Padilla at ng kung sino-sino pang singers d’yan.

Yup, Pagsubok nga. Galeng.

E di kasi alam sa office na ako ‘yung Singing Bee champion. Ni di nga nila alam ‘tong blog ko e. Which is a good thing kasi may element of surprise. At feeling ko naman nagulat talaga sila nu’ng kumanta na ‘ko. Na-hit ko kasi nang tama ‘yung nota sa intro. ‘Pag kasi namali ka ng pasok, minsan tuluy-tuloy nang mali ‘yung range mo. Buti talaga natama ko that time.

Palakpakan tuloy sila. Yes, kailangan ko talagang sabihin ‘yon, hano? Wala, pasikat ako e. Ta’s nu’ng dumating na sa bridge, e me mataas na part do’n, ‘yung “‘Wag mong itigil ang labaaaaan! Ooh-la-la-la-la-la Yeaaahhh!”

I totally rocked it!

Pramis, maniwala ka. Kahit ‘yung mga waiter at bartender nagpalakpakan. Yes, ang yabang ko. Ang sarap sa feeling. Sobrang saya ko nu’ng gabing ‘yon dahil di ako pumiyok at natamaan ko nang maayos ‘yung mga notes. Sayang walang video. Pero okay na rin. Baka kasi ‘pag me record ‘yon, malaman ko pang me hindi pala ako nakanta nang tama. So thankful na rin ako at wala.

Basta that night was so legen… Wait for it… dary! Legendary. I mean, I’m legendary. I’m awesome. Kelan ba ‘ko di naging awesome? Whatup? High five.