Pitik-bulag

by Sankage Steno

Araw-araw, sumasakay ako ng elevator. ‘Pag bababa ng apartment, elevator. ‘Pag aakyat sa apartment, elevator. ‘Pag papasok sa trabaho, elevator. ‘Pag uuwi na galing sa trabaho, elevator. Sa sobrang dalas, nakaimbento na ‘ko ng laro du’n. Well, di naman talaga imbento. Bale lumang laro na s’ya pero medyo binago ko lang ‘yung mechanics.

Katulad kanina. Galing ako sa tuktok ng building, so syempre lahat ng palapag dadaanan ko pababa. E di sangkatutak na bukas-sara ‘yun ng pinto ng elevator. Gustung-gusto kong lumulugar du’n malapit sa pindutan. Baket? Kase, gusto kong ako ‘yung unang nakakasulyap sa kung sino man ‘yung papasok. Laging surprise kung sino ‘yung taong darating sa buhay ko. Buhay ko? Ba’t ba? Walang basagan ng trip.

That’s my new version of pitik-bulag. Or is it Eeeaaattt… Bulaga!? Anyway, ‘yung mga pinto ng elevator ‘yung pumalit sa kamay ko bilang pantakip sa mata, ta’s laging may konting excitement at kaba ako para du’n sa taong “pipitik.” Malay mo, di ba? Baka ‘yung susunod na sasakay e kakilala ko pala. Baka s’ya na ‘yung the one. O baka isa s’yang eye candy. Alam mo ‘yun? Kahit di naman talaga magiging kayo, at least sa elevator man lang na-enjoy mo ‘yung view.

And the trip.

Minsan may super yummy talagang nakakasabay ako, pero madalas olats. ‘Yung mga moment na type ko ‘yung nakakasabay sa elevator, bigla naman akong tinutubuan ng halo sa ulo. Natatameme ako. I mean, pa’no ba ‘yung elevator pitch? Or elevator pick-up line? E ambobo ko nga sa totoong pick-upan e, sa elevator pa kaya?

Ang hirap, lalo na kung may kasama kang ibang strangers. I mean, ewan pala. Mas mahirap yata kapag kayo lang dalawa sa loob. Kasi syempre ang awkward, di ba? Wala akong kompyansang basta na lang makipag-usap sa iba. Anong pag-uusapan namin? Current events? The weather? O baka naman alam n’ya ‘yung spiral of silence or agenda-setting theories. ‘Yun na lang kaya ang pamick-up ko.

Leche. Ending laging chaos theory.

Pero kung bobo ako sa small talk o pick-up line sa elevator, magaling naman ako in times of emergency. Naman! Ilang beses na ‘kong muntikang madisgrasya sa box of death na ‘yan. Naranasan ko nang ma-trap sa loob o mabalalak o, worst, ‘yung bigla na lang babagsak ng two floors ‘yung car. Pota! Para akong sumasakay ng EKstreme Tower sa Enchanted Kingdom. Seriously, may phobia na ‘ko sa elevators.

Pero dahil nga lagi kong nararanasan ‘yung mga death-defying stunts na gano’n sa elevator, alam na alam ko na kung ano ‘yung pipindutin at kung pa’no kausapin ‘yung taong reresponde nang hindi nagpa-panic masyado. Meron na rin akong imaginary action plan kung sakaling bumagsak s’ya at di gumana ‘yung emergency brake. Lilipad ako. I’m not gonna tell you how kasi it’s not tested yet. Pero lilipad ako.

Wait a minute… Kung mahina ako sa pick-up line at magaling ako sa emergency situations, baka pwedeng i-compromise. Alam ko na! Ang kailangan ko na lang e opportunity. Dapat, may makasakay akong type ko, ta’s dapat din, mabalalak kami sa loob. And then I’ll take that chance para magpasikat. I’ll remain calm and call for help. Then I’ll make damoves. Yes, ganu’n nga. Shet, now I have a plan. Ang kailangan na lang e hilingin kong muntik-muntikang madisgrasya sa elevator. Muntik lang.

And when that happens, at merong isang yummy sa loob… Boom! Alam na.

https://i0.wp.com/epiclolfail.com/wp-content/uploads/2012/03/elevators-awkward.jpg