Taragis na trapik ‘yan

by Sankage Steno

Ang swerte ko lang na hindi ako nadale ng matinding trapik sa NLEX-Balintawak nu’ng isang linggo. Kung nagkataon, baka nilakad ko na rin ‘yung kahabaan ng expressway. Mahilig pa naman akong maglakad. E kaso, lugi sa bayad. Late na nga ako, lupaypay pa sa pagod. Ang galing lang talagang gumawa ng policy ng mga pinuno natin. Talagang pinag-iisipan. I’m so proud of our administrators.

Di man ako minalas last week, marami naman akong kakilalang nabiktima no’n, kasama na ‘yung kapatid ko. Na-late lang naman s’ya ng dalawang oras. Maswerte pa s’ya kasi sa Monumento lang s’ya pumapasok. Pa’no na lang ‘yung ibang nagtatrabaho pa sa Makati o Pasig? Pa’no na lang ‘yung mga may flight nu’ng araw na ‘yon? For sure, di sila nakalipad. Ang laking lugi nu’n. Kahit mayaman ka, panghihinayangan mo ‘yung nasayang na pera.

So kung pagsasama-samahin natin ‘yung lahat ng perang nalugi ng mga taong naipit sa matinding trapik na ‘yon, at kung iko-compute din natin ‘yung monetary value ng nasayang nilang oras, feeling ko di bababa ng P100 million ‘yung nawala sa ekonomiya natin nu’ng araw na ‘yon. Sayang.

Nakakatawa lang na sinasabi ng ilang opisyal natin na dahil daw sa lumalagong ekonomiya kaya lalong sumisikip ang trapiko sa Kamaynilaan. Wow ha. Kung maghihirap lang tayo lalo sa araw-araw na biyahe dahil sa pag-unlad na sinasabi nila, pwede bang ‘wag na lang tayong umunlad? Masaya na ‘ko sa lagay natin ngayon. Kung lalala pa ‘yung trapik, di na ‘ko magtatrabaho sa Maynila. Nasasayang ‘yung buhay ko sa usok ng sasakyan, sa kakahintay at sa kakagawa ng wala.

Buti sana kung sa tuwing maiipit ako sa matinding trapik e makikita ko ‘yung taong mamahalin ko habambuhay. E di naman gano’n. Sa teleserye lang me gano’n. Ang madalas kong kasama sa gitna ng trapik e ‘yung mga middle class na walang ganang pumasok o kaya ‘yung nanlilimahid sa pawis na pasahero. Pa’no naman ako mai-in love sa gano’n? Di rin naman kasi ganu’n kakomportable ‘yung mass transport natin sa bansa. So third world pa rin like ever.

So imumungkahi ko pa rin ‘yung nasabi ko na noon sa mga luma kong blog para maibsan ang matinding trapik sa atin.

Una, pasabugin ‘yung buong Metro Manila. Then, let’s start from scratch. Planuhin na talaga ‘yung paggawa ng mga kalsada, imburnal, gusali, atbp. Pero syempre maraming mamamatay ‘pag ginawa ‘to, baka pati ako damay, so malabong mangyari ‘to.

Pangalawa, ipagbawal ‘yung mga pribadong sasakyan. Dapat lalong maging strict sa pagpapatupad ng color coding scheme. Bakit ko gusto ‘to? Kasi kung lahat e gagamit ng public transportation, luluwag ‘yung mga kalsada. Di na kailangan ng road widening o magpagawa ng iba pang daanan. Mentras kasi gumagawa ka ng kalsada, lalo rin dumarami ‘yung bumibili ng pribadong sasakyan. Sisikip lang din.

Ang kaso, sabi ko nga kanina, di maaasahan ‘yung mass transport system natin. Therefore, di rin ‘to magiging mabisa.

Pangatlo, at nasabi na rin ‘to ni Randy David sa column n’ya this weekend, dapat bumuo ng marami pang metropolitan center sa mga probinsya para di lahat e nagsisiksikan sa Metro Manila. Kung magkakaroon tayo ng Metro Pampanga, Metro Batangas, Metro Bulacan, Metro La Union, Metro Zamboanga, Metro Samar, Metro Negros, etc., luluwag ‘yung kabisera. Decongestion ang kailangan talaga.

Kaya lang, sobrang laking pera at panahon ang gugugulin para mangyari ‘to. Kailangan din siguruhing di mapupunta sa bulsa ng mga pulitiko ‘yung budget para sa mga infrastructure. Imposible na talaga. Kung mangyayari man ‘to, baka sa Year 3000 pa.

Pang-apat, um… wala na ‘kong maisip. Siguro pasabugin na lang natin ‘yung Metro Manila.