Kapag alas-singko ng hapon

by Sankage Steno

Pinag-iisipan ko kung ba’t ako nagagandahan sa sikat ng araw kapag alas-singko ng hapon. Mas gusto ko s’ya kesa sa papasikat na araw kapag alas-singko ng umaga. Pero nagagandahan pa rin naman ako sa sunrise. Iba lang talaga ‘pag papalubog na.

Iniisip ko kung dahil ba romantic s’ya kasi sunset? O baka dahil di na s’ya masyadong mainit kaya ko s’ya gusto. Pwede rin na dahil patapos na ‘yung araw at makakauwi na ‘ko galing sa work (o sa school dati) kaya mas gusto ko s’ya. Mas kumakalma ako ‘pag nakikita ko ‘yung araw sa hapon. May soothing effect ba.

Grabe ‘yung mga pinoproblema ko sa araw-araw ‘no? Nakakabusog ng tiyan. Nakakalutas sa suliranin ng sambayanan.

Pero, seryoso, iniisip ko madalas kung ba’t ko gusto ‘yung isang bagay. Halimbawa, ‘yung pagsusulat. Iniisip ko kung ba’t gusto ko s’ya e wala naman akong kinikita masyado. Ito ngang blog ko never pa ‘kong nabigyan kahit singkong duling. Mas marami pa s’yang naibigay na haters sa ‘ken kesa pera. Pero di pa rin ako tumitigil sa pagsusulat. Ang galing ‘no?

Kaya ko iniisip kung ba’t ko gusto ‘yung mga bagay-bagay.

Ikaw ba, bakit mo mahal ‘yung mahal mo? Syempre you have a lot of reasons. Pwedeng mahal mo s’ya kasi maganda s’ya o gwapo. Pwede namang mahal mo s’ya kasi pinapasaya ka n’ya o lagi ka n’yang pinapatawa. Posible rin namang mahal mo s’ya kasi magaling s’ya sa kama at talagang napapaikot n’ya mundo mo. O, tama ba ‘ko?

Kung iniisip ko kung bakit ko gusto ‘yung mga bagay sa paligid ko, iniisip ko rin syempre kung ba’t ginagawa ko pa rin ‘yung ibang bagay kahit malinaw naman sa ‘king ayaw ko sa kanya. Halimbawa na lang, ‘yung pagtatrabaho. Sino bang gustong magtrabaho? Wala naman, di ba? I mean, most of us, given the chance, titigil sa work basta di na s’ya kailangan.

E ‘yun nga ang dahilan: Kailangang magtrabaho. Kasi marami kang binubuhay o maraming umaasa sa ‘yo. Marami ka ring gustong bilhin at saka may pinapangarap ka sa buhay.

Ang tanong ko ngayon, kung wala naman akong binubuhay na pamilya at wala naman akong pangarap na talaga sa buhay dahil natupad ko na silang lahat, ba’t pa ‘ko nagtatrabaho? Para buhayin ‘yung sarili ko? Hmmm, pwede. Very basic, not so convincing, pero pwede. Ang hirap kasing magtrabaho nang wala ka namang dahilan o pangarap. Nakakaburat.

Kaya for now, poproblemahin ko muna kung ba’t ang ganda-gandang panoorin ng lumulubog na araw. Mas gusto ko talaga s’ya kesa sumisikat na araw.